Home METRO Ex-Manila Vice Mayor Danny Lacuna inilibing na

Ex-Manila Vice Mayor Danny Lacuna inilibing na

MANILA, Philippines – INILIBING na ang namayapang ama ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan na si dating Manila Vice Mayor Danilo “Danny” Lacuna sa South Cemetery nitong Biyernes, Agosto 18, 2023.

Dakong alas-12 ng tanghali nang ilabas ang mga labi ni dating Vice Mayor Lacuna sa Cosmopolitan Memorial Chapels and Crematory kung saan ito ibinurol at isinagawa ang funeral procession patungo sa kanyang paglilibingan sa South Cemetery.

Idinaan din sa Manila City Hall quadrangle ang nasabing funeral procession upang masilayan sa huling sandali ng mga empleyado ng lokal na pamahalaan ang minahal nila na dating bise alkalde ng lungsod.

Matatandaan na pumanaw sa edad na 85-anyos si dating Manila Vice Mayor Lacuna nitong Linggo ng umaga, Agosto 13, 2023.

Nagsilbi muna bilang konsehal ng Maynila si Danilo Bautista Lacuna mula 1968 hanggang 1975 at bise alkalde naman mula 1970 hanggang 1971, 1998 hanggang 1992 at ang pinakahuli noong 1998 hanggang 2007.

Si Danny Lacuna rin ang bumuo ng lokal na partidong pulitikal sa lungsod na Asenso Manileño na naging partido ni dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at kasalukuyang Mayor Honey Lacuna.

Naulila ng namayapang dating bise alkalde ang kanyang maybahay na si Melanie “Inday” Lacuna at limang anak na sina Honey, Lei, Dennis, Liza at Philip. JAY Reyes

Previous articleVeteran broadcaster Jay Sonza posibleng makalabas na ng piitan ngayong araw
Next articlePangulong Marcos nanawagan ng kapayapaan sa Korean Peninsula