Home NATIONWIDE Ex-MMDA Chief, Marikina Mayor Bayani Fernando nailibing na

Ex-MMDA Chief, Marikina Mayor Bayani Fernando nailibing na

MANILA, Philippines- Naihatid na sa huling hantungan si dating Marikina City Mayor Bayani “BF” Fernando sa Loyola Memorial Park – Marikina nitong Miyerkules ng umaga.

Bago ang kanyang libing, nagsagawa ng Misa sa Queen of Angels Chapel sa Riverbanks, Marikina City kaninang alas-7 ng umaga.

Pinangasiwaan ito ni Rev. Fr. Lamberto Ramos, shrine rector at parish administrator ng Diocesan Shrine at ng Parish of Our Lady of the Abandoned.

“Rather than mourning, I propose that we celebrate this life that is so lived by this wonderful public servant we call Bayani Fernando,” pahayag ni Rev. Fr. Ramos.

Inihayag naman ni Ligaya Fernando-Amilbangsa, kapatid ng dating alkalde, ang pasasalamat ng kanilang pamilya.

“We are so forgetful of the lessons of history. Sana ang ginampanan ng aking kapatid sa ikabubuti ng bayang Marikina at ng buong Pilipinas ay inyong matandaan at maisalin pa sa mga susunod na lahi sa bayang Marikina,” pahayag niya.

“Kapatid na Bayani, kinararangal ka namin, ng inyong mga kapatid, lahat ng kadugo, kaangkan. Kinararangal ka ng iyong maybahay si Marides, ng iyong Unica Hija si Tala, at ng iyong manugang na si Paul at iyong tatlong apo,” pagbabahagi niya.

“Bayani, forgive me, I forgive you, we love you. Thank you very much for being our brother,” patuloy niya.

Nailibing ang dating alkalde pagsapit ng alas-10 ng umaga.

Namatay si Fernando noong Biyernes ng hapon, Sept. 22. Siya ay 77 taong gulang.

Bukod sa pagiging “decorated politician,”  nanungkulan din siya bilang chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA), kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at Marikina Representative sa Kamara. RNT/SA

Previous articleDefense chief: Pinas ‘di nag-uumpisa ng gulo sa Scarborough Shoal
Next articlePagharang ng Canadian immigration authorities kay Azurin kinumpirma ng DFA