Home HOME BANNER STORY Ex-parak hinatulang guilty sa homicide sa Jemboy Baltazar case

Ex-parak hinatulang guilty sa homicide sa Jemboy Baltazar case

MANILA, Philippines – Guilty ang hatol ng korte sa Navotas para sa kasong homicide ang isang dating parak para sa pagpatay kay Jemboy Baltazar, ang 17-anyos na pinatay matapos mapagkamalang suspek, noong Agosto 2023.

Sa kabila nito, mistulang hindi naman nasiyahan ang pamilya ni Jemboy sa ipinataw na apat na taong pagkakakulong kay dating Police Staff Sergeant Gerry Maliban na kinasuhan ng murder.

“Siya po apat na taon lang siya makukulong. ‘Yung anak ko habang buhay na wala. Pinagtulong-tulungan nila ‘yung anak ko barilin tapos ano? Gano’n lang? Makakalaya lang sila,” ani Rodaliza Baltazar, ina ni Jemboy, sa isang ambush interview

“Sana maramdaman din nila ‘yung nararamdaman ng pamilya ko ngayon na sobrang sakit na pagkawala ng anak ko. Sana sila rin,” giit pa niya.

Hinatulan din ngNavotas City Regional Trial Court (RTC) Branch 286 sina Police Executive Master Sergeant Roberto Balais Jr., Police Staff Sergeant Nikko Esquilon, Police Corporal Edmark Jake Blanco, at Patrolman Benedict Mangada dahil sa illegal discharge of firearms.

Samantala, pinawalang-sala ng RTC si Police Staff Sergeant Antonio Bugayong.

“Ano po ‘yung buhay ng anak ko ano lang, parang aso lang o kaya pusa na lang nila paghihirapan tapos parang wala silang ginawa. Parang nasaan po ‘yung hustisya, ‘yung katarungan para sa anak ko?” sabi niya.

“Ilang taon lang po ‘yung anak ko, may pangarap pa po siya. Wala na po dahil pinatay po nila ng walang dahilan. Wala pong kaalam-alam ‘yung anak ko, wala pong kasalanan,” giit pa ni Baltazar.

Namatay si Baltazar noong Agosto 2 habang patungo sa pangingisda matapos siyang pagbabarilin ng mga pulis ng Navotas City na tumutugis sa suspek sa pamamaril sa Barangay NBBS Kaunlaran.

Sinabi ng isang kasama ni Baltazar na inihahanda nila ang kanilang bangka nang utusan sila ng isang pulis na bumaba.

Sinubukan umano nilang isuko ang kanilang sarili, ngunit patuloy umano sa pagbaril ang mga pulis, dahilan upang sumisid si Baltazar sa tubig.

Nang maglaon, sinabi ng pulisya na ito ay isang kaso ng mistaken identity ang nangyari.

Ilan sa anim na pulis na unang naiulat na sangkot sa insidente ay nagsabi sa kanilang mga affidavit na nagpaputok sila ng baril sa tubig at hindi nila sinasadyang tamaan si Baltazar.

Napag-alaman sa autopsy na dalawang beses tinamaan si Baltazar, sa ulo na may entry wound sa likod ng tenga at exit wound sa ilong, habang ang isa pang putok ay tumama sa kanang kamay.

Ayon sa kanyang death certificate, ang sanhi ng pagkamatay ni Baltazar ay isang tama ng bala sa ulo gayundin ang asphyxia mula sa pagkalunod. RNT

Previous articleSerena alay ni Gloc 9 sa beking anak!
Next articleNational status target para sa EDSA shrine