MANILA, Philippines- Ibabalik ng Pilipinas sa World Bank ang halos $320 milyong labis na loans para sa COVID-19 pandemic response ng bansa, ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno.
“Mga $320 million, ‘yung excess sa pandemic,” ani Diokno sa kanyang weekly chat sa Finance press corps.
“Ang advice ng World Bank isauli na lang, then come up with a new program,” sabi ng Finance chief.
Matatandaang humiram ng malaking halaga ang nakaraang administrasyon upang tugunan ang COVID-19 pandemic.
Dahil dito, lumobo ang debt-to-gross domestic ratio ng bansa sa 63.5%, pinakamataas sa loob ng 17 taon at labis sa internationally recommended threshold na 60%.
Ani Diokno, gagamitin sana ang “excess” loans para bumili ng mga bakuna.
“Pambili sana ng vaccine. [Pero] marami nag-donate sa atin ng vaccine,” paliwanag niya.
Inilahad ng Finance chief na sumulat na ang kanyang departamento sa World Bank ukol sa intensyon ng gobyerno na ibalik ang labis na loans.
“We’ve written already. Soon, within the month,” pahayag niya. RNT/SA