Home NATIONWIDE Expansion ng PGH, itinulak ni Bong Go

Expansion ng PGH, itinulak ni Bong Go

MANILA, Philippines- Isinulong ni Senator Christopher “Bong” Go, chair ng Senate committee on health and demography, ang legislative bill na naglalayong dagdagan ang bed capacity ng Philippine General Hospital (PGH).

Mula sa kasalukuyang 1,500 beds nais ni Go na gawing 2,200 bed capacity ang PGH bilang bahagi ng ang kanyang layunin na palakasin ang imprastraktura ng healthcare service sa bansa para sa mga kapus-palad na pasyente.

Inihain ni Go noong Miyerkules, Pebrero 7, ang Senate Bill No. 2539 bilang tugon sa lumalaking pangangailangan para sa mga serbisyong medikal. Titiyak din ito na mas maraming Pilipino ang magkakaroon ng access sa de-kalidad na healthcare services.

Binibigyang-diin din nito ang mahalagang papel ng PGH bilang pangunahing pasilidad ng pampublikong kalusugan sa bansa.

Ayon kay Go, ang PGH ay kinukunsidera bilang pinakamalaking government tertiary hospital sa bansa at nangunguna sa pagbibigay ng pangangalagang medikal sa libu-libong Pilipino, lalo sa mga mahihirap, sa pagtaas ng populasyon at pagtaas ng saklaw ng iba’t ibang mga kondisyon ng kalusugan.

“Ang kalusugan ay isang mahalagang aspeto na hindi dapat pinababayaan. Sa pag-file ko ng bill na naglalayong dagdagan ang kapasidad ng higaan sa PGH mula 1,500 patungong 2,200, layon natin na masiguro na mas maraming Pilipino ang makakatanggap ng de-kalidad na serbisyong medikal,” ani Go.

Anang senador, panahon na para matulungan ang ospital na makatugon sa lumalaking pangangailangan ng mga Pilipino.

“Madalas nagiging unang puntahan ang PGH ng mga kababayan nating nagkakasakit na hindi kayang magpagamot sa pribadong ospital. Hindi dapat magkaroon ng kakulangan ng kagamitan o espasyo para mabigyan ng medikal na atensyon ang ating mga kababayan,” banggit ni Go.

Dahil dito, hinikayat ni Go ang mga kasama niya sa Senado at iba pang sektor na suportahan ang panukalang batas na ito.

“Sa pagtutulungan, maipakikita natin ang ating malasakit sa kapwa at mas mapalalakas pa ang ating healthcare system sa ikabubuti ng bawat Pilipino,” giit ni Go.

Samantala, bilang bahagi ng kanyang adbokasiya na ilapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga Pilipino, binanggit ni Go na mayroong Malasakit Center sa loob ng PGH, kung saan ang mga mahihirap ay maaaring humingi ng tulong na may kinalaman sa medikal.

Ang Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, ay pangunahing iniakda ni Go. Ayon sa Department of Health, ang 159 Malasakit Centers na nakakalat sa buong bansa ay nakatulong na sa mahigit 10 milyong Pilipino. RNT

Previous articlePagpapalabas ng higit P400M para sa Q1 rice competitivess fund aprub sa DBM
Next articlePasig River Ferry ops sinuspinde sa ilang istasyon