MANILA, Philippines – ANG bansang Tsina mismo ang dahilan kung bakit umigting ang tensyon sa West Philippines Sea (WPS).
Ito ang naging tugon ni Defense chief Gilberto Teodoro Jr. nang hingan ng komento sa naging pahayag ni Senador Robin Padilla na ang presensiya ng Estados Unidos sa Pilipinas ang dahilan ng tuminding tensyon sa rehiyon.
“In terms of the Philippines, I respectfully disagree. It is the expansionist policy of China that is actually escalating the tensions not only between us but with Vietnam and other actors,” ayon kay Teodoro sa isang panayam.
“And their 10-dash line actually is the best proof that they want to escalate tensions within the area because now even Brunei is affected and India is affected and Nepal is affected,” dagdag na wika nito.
Tinukoy pa ni Teodoro na hindi kinikilala ng China ang 200 nautical miles exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Nauna rito, ikinabahala ni Senador Padilla ang presensiya ng US Navy na nagpapatrolya sa West Philippine Sea (WPS).
Sa gitna nang lumalalang tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China ay kinuwestiyon ni Sen. Padilla ang presensiya ng US Navy na pagpapatrolya sa pinag-aagawang teritoryo sa WPS.
Sa pagdinig ng Senado sa pambansang budget ng Department of Defense (DND) ay inamin ng ahensiya ang presensiya ng Poseidon Aircraft.
Dito ipinaliwanag ni Padilla na tama lang na itapat ang Philippine Coast Guard (PCG) sa coast guard ng China na nagpapatrolya rin sa WPS, pero ipinunto naman ng mambabatas na ang isang Sandatahang Lakas ay lumalabas lamang sa panahon ng giyera.
Babala ng senador na nalalala ang tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa kung ang armadong US Navy ang itatapat sa Chinese Coast Guard na isang civilian agency lamang.
Matatandaan na sa nakaraang mga araw ay matagumpay ang naging resupply mission para sa BRP Sierra Madre na naka estasyon sa WPS.
Naroon ang presensiya ng Estados Unidos sa panahon na ‘yun pero ipinunto ni DND Undersecretary Ignacio Madriaga na may kapasidad ang bansa na magtagumay sa resupply mission kahit wala ang tulong ng Estados Unidos. Kris Jose