Home NATIONWIDE F2F briefing, Q&A sa ‘factual, independent review’ sa Senate building ikakasa

F2F briefing, Q&A sa ‘factual, independent review’ sa Senate building ikakasa

MANILA, Philippines- Ikakasa ng Senado ang isang face to face briefing kasama ang question and answer portion upang malinaw na mailatag at masagot ang kontrobersyal na pagtatayo ng P23 bilyong halaga ng New Senate Building (NSB) sa Taguig City.

Binigyang-diin ito ni Senador Alan Peter Cayetano sa panayam upang matiyak ang kalidad at mababang gastusin sa rebyu ng bagong gusali ng Senado na kakatawan sa demokrasya at transparency. 

Ayon kay Cayetano, bagong chairman ng Senate committee on accounts, layunin ng kasalukuyang “factual” at “independent” review sa budget ng proyekto na masiguro ang mataas na kalidad ng gusali sa mas mababang halaga.

“First and foremost, sadya akong hindi nagpapa-interview because it’s a review and a fact-finding [activity],” wika ni Cayetano sa isang media interview sa Lungsod ng Santa Rosa sa Laguna noong Hunyo 21, 2024.

“Gustong-gusto ko man na pagbigyan ang media, pero para maging very fair ang ating review, I’d rather not comment until all the facts are in,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Cayetano ang kahalagahan ng paglikha ng isang “iconic” at “functional” na gusali na magsisilbing simbolo ng demokrasya at magbibigay ng pakiramdam ng pag-aari sa publiko.

“Kung magiging masyadong mahal o… kung pinaka-magiging maluho na building sa buong Pilipinas ito, hindi ito magiging simbolo ng democracy at pride ng ating mga kababayan, kundi kasusuklaman pa ng iba,” wika niya.

Bilang chairperson ng ng komite, ibinunyag ni Cayetano na dalawang sabay na pagsusuri ang isinasagawa: isa para sa unang at ikalawang bahagi ng proyekto, at isa pa para sa ikatlong bahagi na nangangailangan ng karagdagang P10 bilyon.

“Sa Phase 1 and 2 na ongoing na ating itanatanong kung bakit maraming pagbabago at bakit ganoon ang presyo. Pero ongoing iyon at hindi tinitigil kasi pwede ka namang mag-review habang ginagawa,” aniya.

“Doon sa P10 billion na sumunod (Phase 3), tinitingnan natin kung ‘can you give the same quality [with lower costing].’ So ang objective ng Senate President, and I would assume ng whole Senate, nandoon pa rin yung quality, secure pa rin y’ung building, pero ‘wag ganoon kalaki ang gastos,” dagdag ng senador.

Binanggit niya na may dalawang paraan “para itago ang mga katotohanan” sa publiko: “One is walang ibigay, pangalawa ay magbigay ng isang buong kwarto na puno ng dokumento. ‘Pag walang binigay, wala tayong malalaman. ‘Pag isang buong kwarto ng dokumento, hindi natin malalaman kung ano doon ang latest at valid.”

Sinabi ni Cayetano na ang DPWH at ang Senate coordinating group, kasama ang mga kinatawan ng mga dating CA chair na sina Senator Nancy Binay at dating Senador Panfilo “Ping” Lacson, ay patuloy na nakikipagpulong sa kanya at sa Senate President.

Dagdag pa niya, binigyan rin sila ng “additional instructions” para sa mas malinaw na pag-unawa sa proyekto.

“I gave them additional instructions na gumawa sila ng timeline at ibigay nila lahat. In that way, we can be transparent to you. At least maibigay namin sa inyo y’ung timeline, inventory, o table of contents,” sabi ni Cayetano.

Tiniyak ni Cayetano na lahat ng mga tanong ay masasagot pagkatapos ng “factual” at “independent” na pagsusuri.

“Eventually, magkakaroon ng face-to-face na briefing and question-and-answer [para maging klaro lahat] ‘yan,” wika niya. Ernie Reyes