Home HOME BANNER STORY Face mask mandate sa public transport ‘di kailangan sa gitna ng banta...

Face mask mandate sa public transport ‘di kailangan sa gitna ng banta ng ‘walking pneumonia’ – DOTr chief

MANILA, Philippines- Para kay Transportation Secretary Jaime Bautista, hindi kailangang gaing rekisitos ang pagsusuot ng face masks sa pampublikong transportasyon sa gitna ng “walking pneumonia” cases sa bansa, bagama’t hinihikayat umano niya sa mga mananakay na proteksyunan ang sarili.

Dapat umanong manggaling sa Department of Health (DOH) ang direktiba ukol dito.

“It’s good also to personally have yung mga mask natin, although wala pa namang directive ang DOH. Pero siguro, for security and safety of our passengers, we will encourage them to protect themselves,” aniya.

Inirerekomenda rin ng Philippine Ports Authority sa mga pasahero na patuloy na sumunod sa preventive health measures, tulad ng pagsusuot ng masks, regular na paghuhugas ng kamay, at pagpapanatili ng physical distancing hanggat maaari, ayon kay General Manager Jay Santiago.

Samantala, inihayag din niya na naniniwala siyang hindi magreresulta ang “walking pneumonia” sa pagbabalik ng “no face mask, no entry” policy na ipinatupad sa mga daungan sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Nauna nang sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na hindi kailangan ng mandatoryong pagsusuot ng face masks sa kabila ng dumaraming kaso ng COVID-19 at respiratory illnesses sa bansa.

Hanggang nitong Nov. 25, kinumpirma ng DOH na mayroong apat na kaso ng impeksyon– pormal na kilala bilang Mycoplasma pneumoniae — sa naiulat na influenza-like illnesses cases.

Wala rin umanong bagong pathogen na natukoy sa bansa. RNT/SA

Previous articleBanggaan ng Chinese, PH boats tinatalupan ng PCG
Next article17 Pinoy crew na bihag ng Houthi rebels ligtas – OWWA