Manila, Philippines – Hindi pa nagsisimulang gumiling ang camera para sa pelikulang pagsasamahan nina Aga Muhlach at Julia Barretto ay nag-react na agad ang mga fans at supporter ng actress na akala mo naman ay sila ang masusunod sa kung anong project ang dapat gawin ng kanilang iniidolo.
Sabi nila, hindi raw bagay na magtambal ang dalawa dahil sa laki ng agwat ng kanilang edad. Mistulang mag-ama na nga raw sina Aga at Julia dahil halos kaedad lang ng aktres ang mga anak ng aktor na sina Andres at Atasha.
Ultimo script ng pagsasamahan ng dalawa ay dapat pasado sa mga fans ng actress. Nandoong wala raw dapat mangyayaring romantic relationship sa pagitan ng kanilang mga characters na gagampanan.
Noong kabataan ni Aga ay nagkakandarapa ang mga actress na naghahangad na makasama siya sa isang project dahil bukod sa napakaguwapo ay napakahusay pa na actor.
Wala na nga siyang dapat patunayan bilang isang mahusay na actor. Walang actress na aayawan siyang makasama.
Hanggang ngayon, kahit na medyo nadagdagan ang timbang ni Aga at nakakaedad na rin ay malakas pa rin ang kanyang karisma at appeal.
Kaya naman hindi nakapagtataka kung bakit tinanggap ni Julia ang project na pagsasamahan nila ni Aga.
Tanggapin man o hindi ng fans ng actress ay sigurado na mas magle-level-up ang status ni Julia bilang actress dahil makakasama niya si Aga sa isang pelikula.
Malaking hamon para kay Julia na makipagsabayan sa acting kay Aga, kaya dapat niyang paghandaan ang mga eksena na kanilang gagawin.
Hindi naman maikakaila na mahusay na actress si Julia pero hindi nabibigyan ng tamang project. Ang pelikulang nagawa na niya noon ay nagpapakita lang kanyang kaseksihan at hindi ng husay sa pag-arte.
Sa movie na pagsasamahan nila ni Aga ay siguradong mapapalaban si Julia sa acting at malalaman niya kung paano ang tamang pag-emote sa isang eksena na medyo drama ang dating.
Anyway, wait na lang muna ang mga fans ng actress kung saan iikot ang istorya ng pagsasamahang movie nina Aga at Julia. Gerry Ocampo