ILOCOS SUR- Isang facebook at messenger account ng vice mayor sa lalawigang ito ang na-hack at ginagamit ngayon para mang-scam.
Ang naturang FB at Messenger account ay ang Facebook at Messenger account ni Maria Divina Grace Elaydo-Etalin, municipal vice mayor ng San Esteban, Ilocos Sur.
Mahigit sampung katao na at patuloy na nadadagdagan ang bilang ng mga nagtutungo sa San Esteban Municipal Police Station matapos na sila ay maging biktima ng online scam.
Ayon sa mga biktima, may nakita silang post sa FB account ni Vice-Mayor Etalin tungkol sa mga ibinebentang Iphone 13 Promax na nagkakahalaga ng P20,000.00
Dahil dito, nag-chat umano sila sa naturang account matapos silang maengganyong bumili at magtiwala dahil sa tingin nila ay legit ito.
Ilan sa mga biktima ang nakapag-advance payment na samantalang ang iba naman ay nakapag-full payment nang madiskubre nilang na-hack ang FB at Messenger account ng bise-alkalde.
Panawagan ng pamilya ng Vice-Mayor at pati na rin ng San Esteban Municipal Police Station na tumulong sa pagrereport para ma-block na ang naturang FB at Messenger account para hindi na makapambiktima pa. Rolando Gamoso