Home OPINION FEELING UNTOUCHABLE PA RIN SI QUIBOLOY

FEELING UNTOUCHABLE PA RIN SI QUIBOLOY

HINDI ako naniniwalang sisiputin ni Pastor Apollo Quiboloy ang imbestigasyon ng Senado. Maliwanag namang pakiramdam ni Quiboloy ay ‘untouchable’ siya, protektado ng kapangyarihan at pribilehiyo ng sarili niyang kaharian sa Davao City.

Sakaling ito nga ang gagawin niya, ang pagtanggi niyang humarap sa congressional hearings ay patunay ng kanyang pagiging duwag. Kahit pa may nakaambang arrest warrant, posibleng manatili siyang nagtatago sa Davao, napaliligiran ng kanyang mga tagasunod at mga kumukunsinti sa kanya.

Nitong Miyerkules, inilabas niya sa social media ang kanyang recorded message para pabulaanan ang mga akusasyon ng panggagahasa laban sa kanya nang may nag-uumapaw na kayabangan. Pinag-aagawan daw siya ng mga babae! Isang malutong na sampal ‘yan sa mukha ng hustisya.

Inakusahan din niya ang Amerika, na sa nakalipas na 10 taon ay seryosong nakatugaygay sa umano’y mga krimen niya, nang pagpaplano raw na patayin siya rito sa Pilipinas sa halip na i-extradite.

Gayunman, hindi naman na bago ang pag-aalangan sa kanyang pag-iisip. Hindi na nakagugulat na umaalingasaw sa kapraningan ang kanyang mga pagbibintang. Sa malapit na hinaharap, naniniwala akong may kalalagyan din ang mga ilusyon ni Quiboloy na untouchable siya. Sa madaling salita, lumiliit na mundo mo, brod!

                                    Sinong takot sa EDSA?

Binatikos ng  pro-administration trolls ang maliliit na pagtitipon ng mga nangakasuot ng dilaw sa ika-38 anibersaryo ng EDSA People Power – ang mapayapang pagsasama-sama nang nagpatalsik sa diktaduryang rehimen ng ama at kapangalan ng ating presidente, si Ferdinand E. Marcos.

“What a pitiful sight,” sabi ng ilan sa kanila. Pero mas nakakaawa iyong may ilan sa ating mga kababayan ang nakalimot na sa mga aral ng EDSA. At nakakahiya kung paanong pinerhuwisyo ng mga pulis sa Cavite, Laguna, at Naga City ang mga kilos-protesta sa mismong araw na ipinagdiriwang ng mamamayan ang kanilang kalayaan at demokrasya.

Masyado bang takot ang gobyerno ni Bongbong Marcos sa sarili nitong mamamayan na kinailangan pang makialam ng mga masunurin at unipormado nitong lapdogs mapigilan lang ang mga nagpoprotesta?

                                             Spa sa Senado

Kinakatigan ng Firing Line si Senator Nancy Binay sa pagpuna sa hindi tamang ginawa sa isa sa mga opisina sa Senado, partikular na sa social media post na ginawa ni Mariel Rodriguez Padilla sa tanggapan ng kanyang asawang si Sen. Robinhood Padilla.

Napakinggan na natin ang mga palusot at paliwanag ni Mrs. Padilla sa kanyang huling post, pero pawang malamya at katawa-tawa ang mga ito. Ang pagtatangka niyang idepensa ang kanyang ginawa gamit ang alibi na sinusuportahan daw niya ang Eddie Garcia Bill ng kanyang mister ay hindi tamang katwiran upang gamitin niya ang opisina ng Senado para ipagbanduhan ang kanyang “healthy treatments.”

Por Dios por Santo, ang Senado ay isang tanggapang itinataguyod ng tiwala ng taumbayan, hindi isang “spa” para sa kanyang vitamin drips o platform para sa kanyang online selling. Nakalulungkot lang na hindi niya siyempre alam ito dahil ang kanyang asawa ay ang nag-iisang senador na nagsusuklay ng sariling bigote sa kalagitnaan ng legislative hearings.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

 

 

 

Previous articleNATIONAL DOWN SYNDROME CONSCIOUSNESS MONTH
Next articleOUTSTANDING ‘BATANG KANKALOO’ HONORED ON CITYHOOD DAY