MANILA, Philippines – Nakatakdang pauwiin na ng bansa ang lahat ng mga Filipino na sakay ng barko na sinira ng Russian missile sa Black Sea.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW)officer-in-charge Hans Leo Cacdac nitong Linggo, Nobyembre 12, tinamaan ng missile ang Liberian-flagged civilian vessel lulan ang all Filipino crew.
Sa kabila nito, ipinaliwanag niya na kailangan nang mapauwi ang mga Filipino dahil nasira na ang kanilang barko.
“Isinasaayos ‘yung kanilang pagpapauwi sa ngayon dahil nga lahat sila may pinagdaanan na sitwasyon, na event na hindi pangkaraniwan. ‘Yan ang pag-uusap namin sa manning agency ngayon at hopefully in due time, makakauwi sila,” sinabi ni Cacdac sa panayam ng DZBB.
“Mainam na pauwiin muna sila at mahagkan nila ang kanilang mga pamilya, makapiling nila ang kanilang pamilya gawa nu’ng pinagdaanan nila. ‘Yan ay sinasagawa na rin ngayon,” dagdag pa niya.
Tatlong Filipino crew ang nasaktan sa naturang insidente, kung saan isang engine trainee ang nabalian sa kaliwang kamay, habang ang dalawa iba pa ay nagtamo ng minor injuries.
Agad namang dinala sa ospital ang engine trainee na matagumpay naman ang naging operasyon. RNT/JGC