Home NATIONWIDE Filipino seafarers, pwede nang tumanggi na dumaan sa Gulf of Aden –...

Filipino seafarers, pwede nang tumanggi na dumaan sa Gulf of Aden – DMW

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW) na may karapatan na ngayon ang mga seafarers na tumangging maglayag sa Gulf of Aden at sa halip ay ma-repatriate.

Sinabi ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac na ang mga Filipino seafarers na tumangging maglayag sa Gulpo ay pauuwiin na gastos ng kumpanya at makakatanggap ng kompensasyon na katumbas ng dalawang buwan ng basic salary.

Ito ay nagmula sa desisyon ng International Bargaining Forum (IBF) na palawakin ang saklaw ng mga high-risk areas (HRAs) upang masakop ang buong Gulf of Aden.

Sakop ng pinalawak na HRA ang buong southern section ng Red Sea at ang buong Gulf of Aden sa baybayin ng Yemen sa peninsula ng Arabia, na umaabot sa baybayin ng Eritrea sa rehiyon ng Horn of Africa ng Eastern Africa.

Sinabi rin ng DMW na ang mga apektadong mga marino ay maari ring makatanggap ng bonus na katumbas ng kanilang basic wage na babayaran para sa limang araw na minimum plus per day kung mas mahaba, double compensation sakaling masawi at disability at mandatory requirement upang madagdagan ang mga kaayusan sa seguridad na katumbas ng ISPS Level 3.

Hinimok ni Cacdac ang mga employer ng mga Filipino seafarer na sumunod sa pagtatalaga at magpatupad ng mga hakbang sa pagpapagaan ng panganib tulad ng rerouting ng mga barko at pagdeploy ng mga armadong security personnel.

Nanawagan din ang DMW para sa patuloy na diplomatic efforts upang mapababa ang tensyon at upang tugunan ang dahilan ng kasalukuyang labanan sa Middle East.

Maaalala na dalawang Filipino seafarers ang sakay ng chemical tanker na na-hijack sa Gulf of Aden at kalaunan ay idineklarang ligtas.

Sinundan ito ng 15 Filipino crew na sakay naman ng container ship na tinamaan ng drone attack ng rebeldeng Yemeni Houthi malapit sa Red Sea ngunit wala namang nasaktan sa insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleGobernador ng Cagayan pinatawan ng indirect contempt
Next articleKyla, nakunan na naman!