Home HOME BANNER STORY Fingerprints ni Mayor Alice Guo at Gua Hua Ping, iisa lang

Fingerprints ni Mayor Alice Guo at Gua Hua Ping, iisa lang

MANILA, Philippines – Natuklasan ng National Bureau of Investigation (NBI) na pareho ang fingerprints ni Bamban Mayor Alice Guo at Chinese passport holder Guo Hua Ping.

Ito ang ibinunyag ni Sen. Risa Hontiveros sa isang pahayag, na sinabing nakumpirma sa NBI findings ang duda na ang suspended mayor ay isang pekeng Filipino, na nagpanggap Filipino citizen upang mapadali ang krimen.

Kinumpirma naman ni NBI director Jaime Santiago ang nasabing findings kung saan iisang tao lamang ang mga fingerprints.

Bunsod nito, pinamamadali ni Hontiveros sa Office of the Solicitor General ang paghahain ng quo warranto case laban sa suspended mayor.

Giit ni Hontiveros, napakalaking insulto ito sa mga botante ng Bamban at sa institusyon ng ating gobyerno at sa bawat mamamayang Filipino.

Idinagdag pa ni Hontiveros na ito ang pinakamabigat na ebidensya para palayasin na sa pwesto si Mayor Alice.

Pinasalamatan naman ng senador si Santiago sa mabilis na pagkilos nito hinggil sa fingerprints.

Masusing sinisiyasat ang pagkakakilalan ni Guo matapos ang pagsalakay ng mga pulis sa POGO hub sa kanyang nasasakupan sa Bamban, Tarlac. Jocelyn Tabangcura-Domenden