Home METRO Fire Prevention Month sinalubong ng kaliwat-kanang sunog sa Bulacan

Fire Prevention Month sinalubong ng kaliwat-kanang sunog sa Bulacan

Bulacan – Sunod-sunod ang mga naitalang sunog habang pumapasok ang panahon ng tag-init at papalapit ang Fire Prevention Month sa ibat-ibang bayan sa lalawigang ito.

Ayon sa report, bandang alas-11:00 ng umaga nitong Lunes, Pebrero 26 ay nasunog ang abandonadong bahay sa Brgy. Poblacion II, Marilao.

Bandang alas-5:00 ng hapon nasunog din ang gilid ng Victoria Cinema sa lungsod ng Baliwag habang sinabayan din ito ng grass fire sa isang madamong lugar sa Purok 3, Brgy. Comfradia, Malolos.

Bago ito, nilamon din ng apoy ang isang bahay sa NHV PH 3 sa bayan ng Norzagaray at sinasabing wala ang pamilya nang mangyari ang insidente.

Kaugnay nito, may naitalang grass fire din sa Brgy. Pala-pala, San Ildefonso nitong Pebrero 25 habang sunod-sunod din ang naitalang grass fire sa bayan ng Guiguinto at natupok naman ang junk shop sa Brgy. Minuyan 4, San Jose Del Monte kamakailan.

Sinusulat ito, walang naitalang nasaktan at nasawi sa mga nangyaring sunog sa mga nabanggit na lugar na mabilis narespondehan ng mga pamatay sunog.

Sinasabing patuloy ang paghahanda ng mga awtoridad sa buong kapuluan dahil sa papalapit na Fire Prevention Month ngayong Marso na may temang: “Sa pag-iwas sa sunog, hindi ka nag-iisa”. Dick Mirasol III

Previous article12 senador ‘perfect attendance’ mula Hulyo 2023
Next articleP714K shabu, baril nasamsam sa 5 suspek sa Cavite