Home NATIONWIDE Fire prevention sa mga komunidad muling tinulak ni Bong Go

Fire prevention sa mga komunidad muling tinulak ni Bong Go

MANILA, Philippines – Patuloy sa pagtulong sa mga nasusunugan sa buong bansa, nagtungo at nag-organisa ng reliefe effort ang grupo ni Senador Christopher “Bong” Go para ayudahan ang mga pamilyang biktima ng sunog sa Barangay Tambo, Island Garden City of Samal (IGaCoS), Davao del Norte.

Idinaos sa Barangay Tambo gymnasium, ang pangkat ni Go ay nagbigay ng tulong pinansyal, meryenda, grocery packs, lalagyan ng tubig, kamiseta, bitamina, masks, at bola para sa basketball at volleyball sa mga nawalan ng tirahan.

Nagsagawa naman ng on-site assessment ang mga tauhan ng National Housing Authority (NHA), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Trade and Industry (DTI), upang bigyan ang mga kuwalipikado ng pabahay, kabuhayan at iba pang programa ng tulong.

Sa kanyang video message, binigyang-diin ni Go ang kanyang patuloy na pagsisikap na tulungan ang gobyerno sa pagpapatupad ng mas matatag na kampanya sa pag-iwas sa sunog sa mga komunidad.

Ipinunto niya na kasalukuyang nasa proseso ng modernisasyon ang Bureau of Fire Protection (BFP), kasunod ng pag-apruba sa Republic Act No. 11589.

Ang BFP Modernization Act ay layong gawin ang BFP na isang world-class na institusyon sa pagpapahusay ng kakayahan nitong tumugon sa mga sunog sa pamamagitan ng pagpaparami ng bilang ng mga bumbero, pagbili ng mga bagong gamit at pagpapatupad ng espesyal na pagsasanay, bukod sa iba pa.

“Sa pag-iikot ko ng bansa para makatulong sa mga nasunugan, nakita ko po talaga ang importansya ng pagpapalakas ng ating fire prevention campaigns. Kaya naman nagpapasalamat ako sa dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-apruba ng BFP Modernization Act para mas lalo pang lumakas ang kapasidad ng ahensya,” ani Go.

Bilang chairperson ng Senate committee on health and demography, nagbigay ng karagdagang suporta si Go sa mga residenteng nangangailangan ng pangangalaga sa ospital. Hinikayat niya ang mga ito na gamitin ang mga serbisyo ng Malasakit Center, partikular ang mga nasa Southern Philippines Medical Center sa Davao City o Davao Regional Medical Center sa Tagum City.

Sinimulan ni Go ang programa ng Malasakit Centers at matagumpay na naitaguyod ang RA 11463, na pangunahin niyang iniakda noong 2019.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 159 Malasakit Centers sa buong bansa na nakatulong na sa mahigit 10 milyong mahihirap na Pilipino. RNT

Previous articleEmergency loan rules itinakda ng GSIS
Next articleCriminal liability vs abusadong amo ng kasambahay, ikakasa sa Senado