Home HOME BANNER STORY Fireworks-related injuries, 75 na!

Fireworks-related injuries, 75 na!

MANILA, Philippines – Nakapagtala pa ng 23 karagdagang fireworks-related injuries ang Department of Health (DOH) ngayong Miyerkules, Disyembre 27 na nagdala sa kabuuang 75, ilang araw bago ang pagdiriwang ng pagsalubong ng Bagong Taon.

Lahat ng bagong naitalang kaso ay pawang mga nagtamo ng injury sa bahay at sa mga kalye kung saan 14 rito ay gumamit ng illegal fireworks base sa pinakahuling surveillance report ng ahensya mula alas-6 ng umaga ng Disyembre 26 hanggang alas-5:59 ng umaga ngayong Disyembre 27.

Karamihan sa mga naputukan ay mga lalaki na may edad mula 6 hanggang 55.

Sa bagong mga kaso, mayroong dalawang bagong naputulan ng daliri na kapwa mga lalaking kabataan at gumamit ng illegal na pla-pla.

Samantala, nilinaw ng DOH na ang isang iniulat na amputation cases o naputulan nitong Martes ay “misreported” kaya ang kabuuang bilang ng naputulan ngayong holiday season ay nasa anim.

Sa 75 fireworks-related injuries, anim sa bawat 10 kaso ay mula sa Metro Manila.

Sinundan ito ng Central Luzon sa siyam na kaso, at Ilocos Region sa anim na kaso.

Siyamnapu’t anim na porsyento ng mga insidente ay nangyari sa bahay at sa mga lansangan, karamihan ay mga lalaki.

Ang mga iligal na paputok din ang dahilan sa humigit-kumulang anim sa bawat 10 kaso.

Binigyang-diin ng DOH na ang paputok ay hindi laruan na dapat laruin ng mga bata. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleBiyaheng Legazpi-Naga ng PNR, nagsimula na
Next articleBahagi ng EDSA-Roxas Boulevard flyover sarado ‘gang Dis. 30