MANILA, Philippines – Nasunog ang isang barkong pangisda at tuluyan na ring lumubog sa katubigang sakop ng Imalaguan Island, Barangay San Carlos, Cuyo, Palawan.
Nasagip naman ang limang mangingisda ng FV Victor 89 kung saan dalawa sa tripulante nito ang nagtamo ng first degree burn.
Nagtulong-tulong naman ang mga tauhan ng Coast Guard Station Eastern Palawan, Cuyo Municipal Police Station at mga mangingisda ng Frabelle Fishing Corporation upang apulahin ang sunog.
Gayunman, ilang oras matapos maapula ang sunog sa nasabing fishing vessel ay tuluyan din itong lumubog.
Naglatag na ang PCG ng oil spill booms upang masiguro ang proteksyon ng kalikasan.
Ayon sa crew, madaling araw nang may marinig na pagsabog sa auxiliary engine ng fiberglass fishing vessel, na sinundan ng sunog.
Sinabi naman ng ilang mangingisda na tumulong sa pag-apula ng apoy na naglayag sila mula Navotas Fish Port noong Marso 2 para mangisda sa Sulu Sea.
Naka-angkla sila sa Imalaguan Island nang maganap ang sunog. Jocelyn Tabangcura-Domenden