MANILA, Philippines – Inihahanda na ang flight booking at iba pang paraan ng transportasyon ng mga unang batch ng mga Filipino na aalis mula Lebanon kaya hindi na magtatagal bago sila makarating sa Pilipinas, sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Miyerkules, Oktubre 25.
Sinabi ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac na ginagawa nila ang lahat upang ilikas ang mga Pilipino sa Lebanon sa lalong madaling panahon dahil sa tumataas na tensyon sa pagitan ng Israel at Hezbollah militants.
Ayon pa kay Cacdac, nagsagawa na ng community outreach ang kanilang labor attache at kasaluyang naglilista ng mga gusting umuwi.
Itinaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong Saado ang Alert Level 3 sa Lebanon na nangangahulugang boluntaryo ang repatriation para sa mga Filipino.
Sinabi rin ni Cacdac na mayroon ding mga hakbang para sa repatriation ng mga Filipino ngunit hindi niya ito tinukoy.
Sa ngayon, humigit-kumulang 113 Filipino na ang humiling sa pamahalaan ng tulong na makabalik sa bansa sa gitna ng nagpapatuloy na sagupaan, ayon kay DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo de Vega.
Nakabase naman ang nasa 17,500 Pilipino sa Lebanon. Jocelyn Tabangcura-Domenden