MANILA, Philippines – Itinaas na ng disaster response officials sa Code Blue ang alert status sa Ilocos region dahil sa Tropical Depression Dodong.
Ayon sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) sa kanilang memorandum nitong Biyernes, Hulyo 14, layon ng deklarasyong ito na panatilihing handa ang mga lugar sa rehiyon sa “possible adverse effects” ng weather disturbance.
Inatasan na ng RDRRMC ang lahat ng local DRRM councils na ihanda ang lahat ng kanilang critical services at mga pasilidad.
Pinasisiguro rin sa local DRRM councils na panatilihin ang ban sa pangingisda, paliligo at paglalayag sa mga lugar na sakop ng gale warnings.
Sa huling ulat, nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at northern portion ng Pangasinan. RNT/JGC