Home NATIONWIDE Food stamp program ng gobyerno magreresulta sa debt trap – grupo

Food stamp program ng gobyerno magreresulta sa debt trap – grupo

MANILA, Philippines – Sinita ng isang climate justice group ang food stamp program ng gobyerno kung saan hindi umano ito tutugon sa kawalan ng seguridad sa pagkain at mga problema sa agrikultura ngunit sa halip ay maaaring maging dahilan ng isang debt trap na hahantong naman mas malalang kagutuman at sakuna.

Iginiit ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) na ang food stamp program ng gobyerno ay “rehash” lamang ng nabigong programang Kadiwa ng yumaong diktador na si Ferdinand E. Marcos, ang ama at kapangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

“Food stamp program is a dole out, short term, cosmetic and will not solve in the long term the Filipinos food insecurity as well as the lackadaisical agricultural performance of the country,” ani PMCJ National Coordinator Ian Rivera.

Target ng gobyerno na sa ilalim ng “Walang Gutom 2027: Food Stamp Program” na magbigay ng food augmentation sa isang milyong kabahayan sa ilalim ng “food poor criteria” ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ang mga benepisyaryo ay makakatanggap ng ₱3,000 food credits para makabili ng masustansyang pagkain, sinabi ng gobyerno.

Nauna nang sinabi ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na ang Asian Development Bank (ADB) ay nagbigay ng grant na halos $3 milyon para sa patuloy na pilot run ng programa.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ng DSWD na magbibigay din ang programa ng tulong pinansyal, at idinagdag na hinihikayat nito ang mga benepisyaryo na maging “productive citizens” dahil nangangailangan din ang programa ng partisipasyon sa capacity building at pagsasanay para sa trabaho.

Sa kabaligtaran, sinabi ni Rivera na ang mga pangunahing tampok ng programa ay tututuon lamang sa pagpapahusay ng “umiiral na patakaran ng pagbibigay-priyoridad sa mga pandaigdigang pamilihan at pag-aangkat.”

Binanggit niya ang pinakahuling ulat ng United States Department of Agriculture (USDA), na pinangalanan ang Pilipinas bilang nangungunang importer ng bigas sa buong mundo para sa 2022-2023.

Nagbabala si Rivera na ang proseso ng programa sa pagtulong sa mga pamilya sa pamamagitan ng pagkain ay maaaring humantong sa isang “fiscal trap” na kalaunan ay magwawalang-bahala sa iba pang mga serbisyo para ito ay mapanatili.

Pinuna rin ng PMCJ ang programa dahil sa umano’y pagpapabaya nito sa climate mitigation.

Sinabi nito na ang sitwasyon ng kagutuman ay lumala dahil sa matinding mga kaganapan sa panahon na dulot ng mga epekto ng klima, kung saan ang bansa ay nag-post ng mga pagkalugi sa agrikultura pagkatapos ng siyam na bagyo sa taong ito.

Kung walang anumang pangmatagalang solusyon tulad ng pagprotekta sa mga magsasaka at mangingisda mula sa masamang epekto ng klima sa produksyon ng pagkain, aasa ang gobyerno sa mga pag-import na iiwan ang buong sektor ng agrikultura, dagdag ng PMCJ. RNT

Previous articleRice price cap muling ipinanawagan ng agri group
Next articleJK, magpe-perform sa concert ni Lukas Graham!