Home NATIONWIDE Foreign hackers posibleng sangkot sa pag-hack sa FB pages ng PNP –...

Foreign hackers posibleng sangkot sa pag-hack sa FB pages ng PNP – Fajardo

MANILA, Philippines – Nakikita ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group na posibleng foreign hackers ang nasa likod ng pag-hack sa ilang Facebook page ng pulisya, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo nitong Miyerkules, Disyembre 20.

“May mga grupo at indibidwal na pong na-identify po ‘yung ating Anti-Cybercrime Group and they are already coordinating sa foreign counterparts. Some of the responsible [individuals] po kasi is outside the jurisdiction ng Pilipinas, kaya ang ating coordination sa ating foreign counterparts ay ongoing po,” ani Fajardo sa press briefing.

Matatandaan na na-hack ang official Facebook page ng PNP–Drug Enforcement Group.

Ani Fajardo, hindi pa narerekober ng PNP-DEG ang kanilang FB page.

“As of today po ay di pa rin nila nababawi [yung account] dahil ‘yung mga nakahack ay pinalitan po ‘yung mga administrator access,” ani Fajardo.

Ang pag-hack sa FB account ng PNP-DEG ay nangyari isang linggo matapos na ma-hack din ang FB page ng
PNP-Human Rights Affairs Office.

Aminado si Fajardo na nakabahala ang mga insidenteng ito.

“This is a cause of concern definitely. This is not only limited sa PNP, ‘yung other government agencies were also victimized kaya panay po ‘yung paalala ng ACG natin, even ‘yung ating DICT. Mas palalakasin po natin hindi lang po ‘yung ating mga hardware pati na po ‘yung mga software [at] ‘yung mga antiviruses at malware capabilities natin para di na maulit ‘yung ganitong insidente,” anang opisyal.

Nagpapatupad na ng mas mahigpit na cybersecurity measures ang PNP sa kanilang mga social media accounts. RNT/JGC

Previous articlePamahalaan hinimok, planong total ban sa paputok irekonsidera
Next articleWanted na lolong nang-abuso ng apo, nadakma ng mga parak sa Obando