Home METRO Foreman binoga sa ulo, patay

Foreman binoga sa ulo, patay

MANILA, Philippines – UTAS ang 47-anyos na foreman matapos na pa-traidor barilin sa ulo ng isang lalaking nakaalitan umano ng biktima sa Navotas City.

Dead on the spot ang biktima sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo na si Ronald Presto alyas “Bong” ng Trece Martirez, Cavite at stay-in worker sa isang shipyard sa lungsod.

Base sa ulat nina P/SSg. June Villaluz at P/SSg. Allan Navata kay Navotas Police chief P/Col. Mario Cortes, pauwi na ang biktima, kasama ang testigong si alyas “Carlo”, 25, kababayan at katrabaho mula sa pakikipag-inuman sa Konsee Bar sa M. Naval St., Brgy. Daanghari nang may lalaking nakasagutan umano sa labas ng bar sa hindi nabatid na dahilan.

Habang naglalakad pabalik sa trabaho ang biktima kasama ang testigo dakong alas-6:40 ng umaga sa M. Naval kanto ng A. Leongson St., Brgy. San Roque nang biglang sumulpot mula sa likod ang suspek at binaril sa ulo ang biktima.

Nakita pa sa nakakabit na CCTV sa lugar ang pamamaril ng suspek na kaagad tumakas patungo sa Paltok St., Brgy. Daanghari, bitbit ang armas na ginamit sa pagpaslang.

Sa isinagawa namang follow-up operation nina P/Maj. Albert Juanillo, Assistant Chief of Police for Operation at Capt. Edward Adriano, Commander ng Sub-Station-2, nadakip ang suspek na si alyas “Enrico” 32, malapit sa kanyang tirahan sa Rama Tanda St., Brgy. Daanghari at nakuha sa kanya ang isang improvised gun na may lamang isang basyo at tatlong bala ng .9mm na kanyang ginamit sa pagpaslang.

Ayon kay SSgt. Villaluz, positibong kinilala ng testigong si Carlo ang suspek na nakasagutan ng kanilang foreman at siyang bumaril sa biktima.

Kasong murder at paglabag sa R.A 10591 ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office. R.A Marquez

Previous articleTERORISMO SA RUSSIA TERORISMO SA PINAS
Next articleWanted sa kasong rape, timbog sa manhunt