
NAKABABAHALA ang patuloy na panloloko at panggagantso ng mga kriminal gamit ang internet.
Sa kabila ng mga malawakang kampanya laban sa internet fraud scams ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group, naiisahan pa rin ng mga pusakal ang ilan nating mga kababayan.
Marahil nakatanggap pa rin kayo dear readers ng sandamukal na e-mail, chat o text na nagsasabing kayo ay recipient ng isang organisasyon at napili kayo bilang beneficiary na makatatanggap ng malaking halaga ng dolyares. Huwag tayong maniniwala sa ganitong uri ng modus operandi. Dahil kapag kumagat tayo sa kanilang instructions kung saan kabilang ang panghihingi nila ng pera para maiproseso diumano ang mga dokumentong kailangan ay bigla na lamang maglalaho ang mga buwitreng ito kapag natangay na ang inyong perang pinaghirapan.
Kaya mag-ingat din sa tinatawag na lottery scam, inheritance scam at iba pa. Alamin ang mga detalye sa <acg.pnp.gov.ph>.
Naikuwento rin ng isang malapit na kaibigan ang pagkawala ng kaniyang P39K sa isang e-wallet service company. Aniya, nagreklamo siya sa naturang kompanya at matapos ang apat na buwang paghihintay ay inabisuhan siyang hindi na raw maibabalik ang kaniyang pondo na kinuha diumano ng scammer sa kaniya.
Dagdag pa niya, ang tanging magagawa raw ng naturang kompanya sa ngayon ay ang gagawin nilang imbestigasyon upang hindi na raw makapaminsala ang reported scammer. Hinimok pa raw siyang humingi ng assistance sa mga awtoridad para sa usaping legal at paghingi ng tulong sa PNP-ACG at National Bureau of Investigation.
Sa ating pananaw, hindi ba dapat inuna muna ng service provider na ito na ipakita ang detalyado at conclusion report ng kanilang imbestigasyon sa nagrereklamong customer at kusa nilang ibalik ang perang nawala tutal naman parang inamin na rin nila na naging mahina ang kanilang sistema kaya nakapamerhuwisyo ang scammer?
Kung ganito nang ganito ang kanilang paliwanag sa mga customer na nawawalan ng perang pinaghirapan, maliit man o malaki, at para bagang bolang ipapasa na lang ang bawat reklamo sa husgado, PNP at NBI, eh hindi na safe, reliable at convenient ‘yun para sa ating mga kababayan. Ibig sabihin hindi nila kayang solusyunan ang mga susunod pang mga breach sa sistemang sila naman ang gumawa. Hindi maling isipin na hindi na sila katiwa-tiwala sa perang ipagkakatiwala sa kanila ng sambayanan. Ano sa tingin n’yo, dear readers?