Home METRO Freelancer technician patay, mag-ina sugatan sa pananambang

Freelancer technician patay, mag-ina sugatan sa pananambang

70
0

DOS, Maguindanao- Tadtad ng tama ng bala ng baril ang isang freelancer technician habang sugatan ang kanyang mag-ina matapos silang tambangan at pagbabarilin ng mga armadong hindi kilalang kalalakihan kagabi, Pebrero 12 sa bayan ng Datu Odin Sinsuat Maguindanao del Norte.

Kinilala ang namatay na si Harun Maulana, habang sugatan ang kanyang misis na si Joy “Lenlen” Maulana, at anak na si Jerome Maulana, 17, pawang mga residente sa Barangay Awang.

Batay sa report ng Datu Odin Sinsuat PNP,dakong 8:00 PM naganap ang krimen sa national hi-way ng Barangay Taviran ng naturang bayan.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya sakay ang mga biktima ng Toyota Tamaraw FX na may Plate # WCZ 395 na minamaneho ni Haron pauwi na sana sa kanilang tahanan.

Pagsapit sa nasabing lugar bigla na lamang silang hinarang ng mga suspek at pinaulanan ng bala mula sa matataas na kalibre ng armas.

Tinadtad ng bala ang sasakyan sa bahagi ng driver seat at nasapol si Haron sa ulo, mukha at iba’t ibang parte ng katawan na agaran nitong ikinamatay.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.

Dinala naman sa ospital ang mag-ina para lapatan ng lunas ang natamo nilang sugat sa katawan.

Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakapulot sila ng mga basyo ng M-16 at M-14 rifles.

Inaalam na ng pulisya ang tunay na motibo sa krimen. Mary Anne Sapico

Previous articleLPA posibleng pumasok sa bansa
Next article2 arestado sa P3.4M shabu