MANILA, Philippines- Sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Miyerkules na plano nitong ipamahagi ang fuel subsidies para sa public utility vehicle (PUV) drivers at operators bago matapos ang buwan.
Nang kapanayamin sa public briefing, sinabi ni LTRB technical division chief Joel Bolano na kapwa naghihintay ang Department of Transportation (DOTr) at ang LTFRB sa pondo para sa fuel subsidy program.
“Ang target ng Department at ng LTFRB ay ma-implement fuel subsidy program para sa mga public utility vehicle operators and drivers hopefully before the end of August or within August ay ma-implement na ito basta ma-download na ang budget coming from the DBM (Department of Budget and Management),” aniya.
Nauna nang sinabi ng LTFRB na halo P3 bilyon ang inilaan para sa fuel subsidy sa pamamagitan ng call cards na magagamit ng PUV drivers sa piling gasoline stations.
Halos P10,000 ang ibibigay kada isang modern jeepney at UV Express unit, at P6,500 naman sa drivers ng traditional jeepneys.
Bibigyan naman ang motorcycle taxis at delivery service riders ng P1,200 na ipamamahagi sa pamamagitan ng e-wallet, habang makatatanggap ang tricycle drivers ng tig-P1,000 na ipamimigay ng local government unit kung saan sila nakarehistro.
Ilang transport groups ang umapela sa agarang pamamahagi ng fuel subsidy upang ibsan ang epekto ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis. RNT/SA