Home NATIONWIDE Fuel surcharge para sa buwan ng Abril Level 6 pa rin

Fuel surcharge para sa buwan ng Abril Level 6 pa rin

MANILA, Philippines- Inihayag ng Civil Aeronautics Board (CAB) na mananatili sa Level 6 ang fuel surcharge para sa buwan ng Abril.

Ayon sa CAB, ibig sabihin umano nito, ang fuel surcharge para sa domestic flights ay umaabot pa rin sa P185 hanggang P665, at P610.37 hanggang P4,538.40 para sa international flights, depende sa distansya.

Nabatid na ang fuel surcharge ay ang dagdag na bayad na maaaring kolektahin ng mga airline bilang karagdagan sa base airfare.

Binabalanse umano nito ang kapakanan ng parehong mga airline at ng mga pasahero kapag tumaas ang mga presyo ng mga bagay na mahalaga sa mga operasyon ng paglipad.

Napag-alaman na tinaasan ng gobyerno ang fuel surcharge mula Level 5 hanggang 6 noong Marso.

Nakasaad sa abiso ng CAB, ang mga airline na gustong mangolekta ng fuel surcharge ay dapat maghain ng kanilang aplikasyon sa Office of the CAB Director, bago o sa mismong araw ng effectivity nito. Ang naaangkop na rate ng conversion ay USD1 hanggang P56.01.

“Sa patuloy na mga dagdag na singil sa gasolina, inaasahan namin na ang mataas na pangangailangan para sa paglalakbay sa himpapawid ay mananatili. Patuloy naming hinihikayat ang mga bisita na mag-book ng maaga para maka-avail ng abot-kayang pamasahe,” ani Cebu Pacific President Xander Lao.

Samantala, dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa Semana Santa, sinabi ng AirAsia Philippines noong Lunes na isang customer help desk ang itinayo sa Ninoy Aquino International Airport upang magbigay ng tulong sa rebooking at iba pang mga flight concerns. JAY Reyes

Previous article2 miyembro ng ‘Luffy’ gang idineport ng BI
Next articleP7.3B pekeng produkto nasamsam ng BOC