
MALAKI ang naging epekto nang pagpapatupad ng RA 11058 o An Act Strengthening Compliance With Occupational Safety and Health Standards and Providing Penalties for Violations Thereof sa mga private establishment.
May nagsasabing dagdag lamang ito sa pagpapahirap sa pagnenegosyo pero para sa hanay ng mga manggagawa at negosyante, mas marami ang naniniwalang malaki ang maitutulong nito para maiwasan ang mga aberya tulad ng aksidente, sakit at property damage.
Mapapansin natin sa mga mauunlad na bansa ang sobrang paghihigpit sa occupational safety and health rules. Alam ba ninyo na sa United States at United Kingdon ay maaaring makulong ang may-ari ng isang kompanya kung napatunayan sa hukuman ang kanyang kapabayaan na nagdulot sa kamatayan ng isang tao? Manslaughter ang katawagan sa kasong ito at syempre, ito ay isang mabigat na krimen.
Sa Pilipinas, wala pa tayong nababalitaang naconvict sa katulad na kaso, baka meron kayong nalalaman, pakiabisuhan lang ako, he-he-he.
Pero bakit naman natin hahayaang humantong pa sa anomang kaso kung puwede namang maiwasan ang bawat aberya. D’yan papasok ang tinatawag nating OSH full compliance. Nakupo, medyo marami-raming guguguling panahon at gastusin ang employer para matugunan niya ang mga panuntunan ng labor department na tumitingin kung nasusunod ang OSH rules.
At hindi pwedeng gamiting “alibis” ang kakulangan ng pondo at kawalan ng impormasyon, ‘ika nga “ignorance of the law, excuses no one from compliance therewith.”
Nakasaad sa batas na may liability ang employer, manager at ang sinomang nagpapatrabaho sa health and safety ng isang manggagawa.
Maipakikita lamang ang tunay na pag-iingat kung laging tutuparin ng employer o representative nito ang pirmadong mga pangako na nakapaloob sa tinatawag na OSH program na isinusumite sa DOLE.
Kung may ganitong pro-active na kultura sa organisasyon, magiging maganda ang direksiyon para makamit ang good standing sa OSH performances. Justifiable ang full compliance kung laging zero ang numero ng aksidente pero narereport ang numero ng near-misses, unsafe act at unsafe condition; may agarang aksyon sa early detection ng sakit at damage to property (kung meron man); at zero din sa multang maaaring ipataw ng DOLE.
Sa full compliance, ligtas at masaya ang manggagawa, may malaking savings ang employer at lalakas ng husto ang ating ekonomiya.