Home NATIONWIDE Full insurance sa magsasaka sa oras ng kalamidad, isinulong ni Bong Go

Full insurance sa magsasaka sa oras ng kalamidad, isinulong ni Bong Go

335
0

MANILA, Philippines – Inihain ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang isang panukalang batas na naglalayong bigyan ng agarang tulong pinansyal ang mga magsasaka o agrarian reform beneficiaries (ARBs) sakaling magkaroon ng natural na kalamidad.

Iginiit ng senador ang pangangailangang tutukan ng pamahalaan ang pagpapabuti ng katatagan ng sektor ng agrikultura at bawasan ang epekto ng mga natural na kalamidad sa mga magsasaka at komunidad sa kanayunan

Ani Go, ang mga Pilipinong magsasaka na nagpapakain sa bansa ay hindi maiiwasang maharap sa masamang epekto ng mga kalamidad na hindi nila kontrolado, kagaya ng mga bagyo at pagsalakay ng mga peste sa pananim na humahantong sa pagkalugi.

Layon aniya ng panukalang batas na tulungan ang mga benepisyaryo ng repormang agraryo sakaling magkaroon ng mga natural na kalamidad upang sila ay makabangon sa pamamagitan ng pagbibigay ng full insurance sa pananim ng kuwalipikadong magsasaka.

Kung magiging batas, ang Senate Bill No. 2118 na mag-aamyenda sa Republic Act No. 6657 o Comprehensive Agrarian Reform Law of 1998, na pinalakas ng RA 9700, ay magkaloob ng buong crop insurance coverage sa mga ARB.

“Hindi po natin maiiwasan ang pagdating ng bagyo at iba pang sakuna kaya mas mabuti po na palagi tayong handa para maproteksyunan ang ating mga magsasaka. Sa ganitong paraan, mapoproteksyunan rin natin ang pangunahing pinanggagalingan ng ating pagkain,” ani Go.

“Napaka-importante na walang magutom.
Sikapin nating bigyan ng karampatang suporta at proteksyon ang ating mga maliliit na magsasaka na kumakayod araw-araw para masigurong may pagkain sa hapag-kainan ng bawat pamilyang Pilipino,” idiniin ng mambabatas.

Ang iminungkahing full insrance ay para sa mga bayaring pagkalugi ng mga kwalipikadong ARB, na aktwal na nagbubungkal ng lupa.

Iaatas ng batas sa mga kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura at DAR na isama kaagad ang implementasyon nito sa kanilang mga programa, at ang paunang pondo ay ibabawas mula sa General Appropriations Act’s fund na inilaan sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) para sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture.

Sinabi ni Go na habang ang crop insurance ay available sa pamamagitan ng PCIC, ang mga magsasaka kadalasan ay hindi kayang bayaran ang insurance premium na kailangang bayaran sa ilalim ng programa.

Kaugnay nito, naghain din siya ng SBN 2117 na naglalayong palawakin ang serbisyo ng PCIC at hikayatin ang partisipasyon ng pribadong sektor sa segurong pang-agrikultura.

Binanggit niya na mula 2010 hanggang 2019, umabot sa P463 bilyon ang pinsalang natamo dahil sa mga natural na kalamidad, kung saan ang agrikultura ang may pinakamalaking pagkasira na may 62.7 porsiyento o P290 bilyon, ayon sa Philippine Statistics Authority.

Si Sen. Go ay patuloy na nagsusulong ng pagpapalakas ng sistema ng suporta sa agrikultura at imprastraktura.

Isa siya sa mga may-akda ng Republic Act No. 11901, na nagpapalawak ng sistema ng pagpopondo sa agrikultura, pangisdaan, at pag-unlad sa kanayunan. RNT

Previous articleTungkulin ng LGU, national gov’t tukuying mabuti – PBBM
Next articleNadal malapit nang magretiro

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here