Home NATIONWIDE ‘Full manpower’ sa mga pantalan kasado para sa Semana Santa

‘Full manpower’ sa mga pantalan kasado para sa Semana Santa

MANILA, Philippines- Ipinag-utos na ng Philippine Ports Authority (PPA) ang pagpapatupad ng full manpower para sa inaasahang dagsa ng mga pasahero ngayong Semana Santa.

Kasabay ng inilabas na memorandum ni PPA General Manager Jay Santiago, inatasan lahat ng mga kaugnay na department head na ipatupad ang full manning ng mga personnel sa port operations at port security na nasa frontline services para magbigay ng serbisyo sa libo-libong mga pasahero.

Inaasahan kasing humigit-kumulang dalawang milyong pasahero (2,077,603) ang bilang ng daragsang pasahero sa mga pantalan ngayong Semana Santa, base sa datos ng PPA na mas mataas kumpara sa naitala noongnakaraang Mahal na Araw sa 1,860, 037.

Simula Marso 25 hanggang Abril 1, hindi rin pahihintulutan ang mga nai-file na leave ng mga kawani upang masiguro ang kaligtasan, seguridad, at maginhawang biyahe ng publiko.

Bago ang pagdagsa ng mga pasahero sa Holy Week, binuksan sa publiko ang Passenger Terminal Building 2 ng Port Operations Building ng Dumaguete Port noong unang araw ng Marso 2024. Mayroon itong modernong pasilidad at amenidad na inaasahang magbibigay ng magandang serbisyo sa mga pasahero na naghihintay ng kanilang mga biyahe.

Pinaplano na rin ang inagurasyon ng extension ng Passenger Terminal Building sa Port of Batangas.

Bagama’t binuksan na noong Disyembre ang bahagi nito para mabigyang-serbisyo ang mga pasahero noong holiday season, inaasahan na sa pagtatapos ng nasabing proyekto ay marami pang mga pasahero ang magkakaroon ng mas maginhawang biyahe dahil sa lumawak na passenger capacity nito na mula sa 2,500 ay magiging 8,000 na.

Nagpaalala na rin ang PPA sa publiko na planuhin nang maaga ang kanilang mga biyahe at iwasan ang last minute bookings na kabilang sa mga nagiging dahilan para sa abala at delay sa biyahe lalo na tuwing peak season. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleContempt, arrest order vs Quiboloy epektibo na – solon
Next article2 ‘biktima’ ng human trafficking naharang sa NAIA