Home NATIONWIDE ‘Fund misuse’ sa pagkalap ng PI signatures pinabulaanan ng DSWD

‘Fund misuse’ sa pagkalap ng PI signatures pinabulaanan ng DSWD

MANILA, Philippines- Itinanggi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang alegasyon ng Mindanao congressman na ginagamit ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program para makakuha o makakalap ng pirma o lagda para sa People’s Initiative (PI) para amiyendahan ang Konstitusyon.

“We at the DSWD vehemently refute such allegations in the light of the issues surrounding the people’s initiative utilizing AICS and other government programs. Reports connecting AICS to the people’s Initiative is an outright falsehood and a misrepresentation of DSWD programs,” ayon kay DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez.

Tugon ito ni Lopez sa naging pahayag kamakailan ni Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez na ang AICS ay isa sa mga programa ng gobyerno na ginagamit para makakuha ng signatura o pirma ng registered voters sa mga lalawigan.

“Since its establishment, the DSWD and its social welfare programs, including AICS, have been protected against this kind of misuse with all agency personnel strictly adhering to existing rules and regulations in the conduct of payouts to our beneficiaries,” ayon pa rin kay Lopez.

Tiniyak naman nito na libo-libong “dedicated workers” ang patuloy at nananatiling “apolitical, namamahagi ng lahat ng uri ng tulong na nakapaloob sa umiiral na “guidelines and regulations.”

Nito lamang Martes, nagsagawa ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ng imbestigasyon ukol sa napaulat na di umano’y ‘ayuda scam” o pagkaltas sa mga ibinigay na ayuda sa Davao de Oro at Davao del Norte.

Isiniwalat kasi ng ilang testigo sa naganap na pagdinig na mula P5,000 na ayuda ay P1,000 na lang ang kanilang naiuuwi.

Sinabi ni DSWD Undersecretary for Legislative Liaison and Coordination Group Fatima Aliah Dimaporo sa mga senador na walang empleyado o tauhan ng DSWD ang sangkot sa nasabing alegasyon.

Winika pa ni Dimaporo na ang tanging responsibilidad lamang ng DSWD personnel habang nagsasagawa ng payout activities ay ang ibigay ang financial assistance sa kwalipikadong benepisaryo na nakatugon sa requirements.

Ang AICS ay isa sa mga social welfare services ng DSWD na nagbibigay ng tulong medikal, pampalibing, transportasyon, edukasyon, pagkain, o tulong pinansyal parasaiba pang support services o pangangailangan ng isang tao o pamilya. Kris Jose

Previous articleChinese visa center pinasinayaan
Next articleP15M gagamitin para sa Manila Central Post Office rehab – DOT