MANILA, Philippines- Opisyal nang nanumpa sa harap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon, araw ng Lunes, Hulyo 10.
Kumpiyansa ang Pangulo na malaki ang maitutulong ni Gadon para tugunan ang kahirapan sa bansa.
Sa kabila ng pagtanggal ng Korte Suprema ng lisensya bilang abogado kay Gadon dahil sa pagmumura sa isang mamamahayag, tiwala ang Punong Ehekutibo na magagamit ng una ang kanyang mga naging karanasan at kakayahan para makapag-ambag sa pagsisikap ng pamahalaan na tuldukan ang kahirapan sa Pilipinas.
“Tiwala tayo na ang kanyang karanasan at kakayahan ay makatutulong sa pagtukoy sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan,” ayon kay Pangulong Marcos.
Binigyang-diin ng Chief Executive na ang appointment ni Gadon ay kabilang sa mga hakbang ng administrasyon para tugunan ang kahirapan.
“Tuloy-tuloy ang ating mga hakbang upang tuldukan ang kahirapan sa bansa. Bahagi nito ang pagtalaga natin kay G. Larry Gadon bilang Presidential Adviser for Poverty Alleviation,” dagdag na wika ng Pangulo.
Matatandaang, noong nakaraang buwan pa itinalaga ni Pangulong Marcos si Gadon sa nasabing posisyon, sabay sabing gagampanan nito ang mahalagang papel nang pagbibigay payo ukol sa estratehiya at polisiya na naglalayong labanan ang kahirapan at paghusayin ang buhay ng mga nabibilang sa “most vulnerable sectors” ng lipunan.
Samantala, sinabi ng Malakanyang na hindi makaaapekto ang estado ni Gadon bilang abogado sa trabaho nito bilang presidential adviser ni Pangulong Marcos. Kris Jose