Home OPINION GALAWAN SA TRAPIK

GALAWAN SA TRAPIK

SIKAT na naman ang Pilipinas dahil nangunguna raw tayo sa buong mundo. ‘Yun nga lang, number 1 daw tayo sa pinakamalalang trapik sa mga siyudad, at Metro Manila nga ang may naitalang mabagal na daloy ng trapiko. Ayon ito sa 2023 TomTom Traffic Index na inilabas noong Jan. 19, 2024.

Hindi naman ito bagong balita sa maraming Pinoy na motorista. Araw-araw na purgatoryo ang pakikipagsapalaran ng ordinaryong komyuter sa pagpasok sa trabaho o eskwelahan. Ang kakaiba ay meron nang sukatan at ebidensya na ang Metro Manila nga ang pwedeng tatakan na “slowest traffic” in the world.

Ang nakakalungkot, ayon sa datos ng TomTom, ay sa kabuuan na nasasayang ang 117 na oras noong 2023 ng isang komyuter dahil sa trapik o halos limang araw. Mas matagal o mahaba raw ito ng halos 13 oras kumpara noong 2022.

Nakakatawa naman ang mga reaksyon ng gobyerno natin sa lumabas na ranking na ito. Buti na lang at inamin ng DoTR na malaking hamon daw talaga ang realidad ng trapik sa Metro Manila, at gagawin nila ang lahat para pabilisin ang pagpapatupad ng mga proyekto nila para maibsan nang hirap ng mga mananakay. Walang binanggit na partikular na proyekto, pero ang mga kilalang prayoridad ng DoTR ay ang PUV Modernization, ang EDSA Busway project, ang North- South Commuter Rail at Manila Subway project.

Ang MMDA naman, kinwestyon ang “methodology” ng survey ng TomTom, dahil gamit daw nito ang GPS devices sa mga kotse na bumabaybay sa mga kalunsuran. Pero inamin din ng MMDA na sobra ang dami ng sasakyan sa Metro Manila, at hindi rin nakakatulong ang  road repairs at construction projects sa mga highways.

Suma total, totoo naman na mukhang lumalala ang sitwasyon ng trapiko natin at hindi ito magandang tanda ng mabuti at mahusay na kaunlaran para sa isang kabiserang metropolitan city.

Kailangan pag-isipan ng gobyerno ang kakaibang solusyon para gumalaw at makabyahe ang mas maraming tao at hindi paano dagdagan ang kalsada para sa mga kotse. Ika nga eh, dapat hindi “carcentric” ang basehan ng transportasyon.

At isa na namang nabulok na pangako ng mga politiko ang pagsasayos ng trapiko sa Metro Manila.

Previous article56 BILLIONAIRE COOPERATIVES IN THE PHILIPPINES
Next articleSARSUELA-AWAY SA CHA-CHA