Home OPINION GALIT NG KALIKASAN PAANO TUTUGUNAN?

GALIT NG KALIKASAN PAANO TUTUGUNAN?

145
0

TINGIN dito, tingin doon ang dapat gawin ng mga naglalakad o naglalakbay sa mga kalsada o iba pang lugar na may mga puno.

Bantay-rito, bantay roon naman ang dapat gawin ng mga may bahay na nasa mga gilid ng ilog o mababangin na lugar.

Dapat gawin ito dahil nakataya ang buhay o kalusugan ng hindi tumitingin o nagbabantay.

Malas na lang ang mahahagip ng disgrasya?

TSUPER PATAY SA PUNO

Namatay si Abelardo Adriano at habang nasugatan ang pasahero niyang si Bon Rubia nang basta na lang matumba ang puno sa gilid ng kalsada sa Brgy. San Francisco, General Trias, Cavite.

Suwerteng hindi nadamay ang iba pang bumabaybay sa lugar sa oras na iyon.

Sa Talisay, Cebu ang dami ring puno na nagtumbahan na lang sa iba’t ibang barangay at nasira ang mga bahay na nadaganan ng mga ito.

NILAMON NG ILOG

Sa Brgy. San Pedro, Narvacan, Ilocos Sur, makaraang tuloy-tuloy ang baha sa ilog, basta na lamang nilamon ng tubig ang nakatayong bahay sa pampang.

Sa tuloy-tuloy na ulan at baha sa lugar, lumambot at bumigay ang pampang hanggang sa lamunin ng ilog ang kinatatayuan at lumubog na rin ang bahay.

Suwerteng walang nakatirang bahay sa lugar.

Pinaaalis na ng pamahalaan ang mga may bahay na nakatayo sa lugar at kailangan nilang lumipat at magtayo sa ligtas na lugar.

BAHAY GUMUHO, SENIOR DEDO

Namatay si Reynaldo Maraya, isang senior citizen, nang gumuho ang walong bahay sa mga Brgy. Ugong at Mapulang Lupa, Valenzuela City nitong nagdaang mga araw lang.

Nasa 70 katao ang biglang nawalan ng bahay sa Mapulang Lupa habang 43 naman sa Ugong at ngayo’y bawal nang magtayo ng bahay sa lugar na idineklara na ring danger zone.

Maimadyin ba ninyo kung gaano kahirap ang mawalan ng tahanan, mamatayan at kumayod para sa muling pagtatayo ng bahay?

Para sa mayaman, hindi gaanong problema ang pagtatayo ng bahay na kasama ang pagbili rin ng lupa na napakamamahal na ngayon.

Pero sa mahirap, malaking sumpa at bangungot ang muling pagkakaroon sariling lupa at bahay.

Ang low cost housing nga lang na pawang marurupok sa mga subdibisyon, nasa P1 milyon nang mahigit.

AYUDA NG PAMAHALAAN

Sa nakita nating mga reaksyon ng mga biktima ng kalamidad, sa ayuda ng pamahalaan higit silang umaasa sa kasagutan sa problema.

Nararapat lang naman dahil tungkulin ng pamahalaan na lingapin ang mga nangangailangan, gamit ang buwis ng bayan, lalo’t pawang kapos sa buhay ang mga biktima ng kalamidad at diyan .

Ngunit may mga usaping dapat ding bigyan ng pansin: Ang pagtutuwid sa mga dahilan ng pagkasira ng kalikasan na nagbubunga ng mga kalamidad na kakambal ang kamatayan, paghihirap at iba pa ng taumbayan.

Paano kaya magkakapit-bisig ang pamahalaan at mamamayan sa pagtutuwid sa mga pagkakamali na ngayo’y ikinagagalit ng kalikasan?

 

Previous articleMGA PULIS NA NAGPOPOSITIBO SA DROGA, ILABAS
Next articleLotto Draw Result as of | September 5, 2023

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here