Home HOME BANNER STORY ‘Gang P30K multa, bawi-lisensya ikakasa vs bus way violators

‘Gang P30K multa, bawi-lisensya ikakasa vs bus way violators

MANILA, Philippines – Tinaasan at hinigpitan pa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga multa at parusa ng hanggang P30,000 para sa iligal na pagmamaneho sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) busway.

Sa isang press conference nitong Miyerkules, sinabi ni acting MMDA chair Don Artes na bukod sa pagtaas ng multa mula P1,000 para sa bawat paglabag, masususpinde rin ang driver’s license para sa paulit-ulit na paglabag.

Sa ilalim ng MMDA Regulation No. 23-002, ang mga bagong multa at parusa ay magiging P5,000 para sa unang paglabag at ang pangalawang paglabag ay magreresulta sa P10,000 na multa, isang buwang suspensiyon ng lisensya sa pagmamaneho at paglahok sa isang road safety seminar.

Ang pag-uulit ng paglabag sa ikatlong pagkakataon ay magreresulta rin sa P20,000 na multa at isang taong suspensiyon ng driver’s license, habang ang ikaapat na paglabag ay P30,000 na multa kasama ang rekomendasyon sa Land Transportation Office para sa pagbawi ng lisensya sa pagmamaneho.

Ang mga multa at parusa ay ilalapat sa parehong pampubliko at pribadong sasakyan.

Ang EDSA busway ay para sa eksklusibong paggamit ng mga pampublikong utility bus, ambulansya at may markang sasakyan ng pamahalaan na tumutugon sa mga emerhensiya.

Sinabi niya na ang pagtaas sa mga multa at parusa ay hindi “anti-poor” o isang scheme ng paggawa ng pera.

“Base sa aming datos at obserbasyon, may mga handang magbayad ng P1,000 na multa at lumabag sa exclusivity ng bus lane dahil kaya naman nila. Kalimitan kotse ng mayayaman,” ani Artes.

Wala pa namang eksaktong petsa para sa pagpapatupad ng mga bagong multa at parusa ngunit nabanggit niya na ang mga pagbabago ay magkakabisa pagkatapos ng information campaign.

Sa datos mula sa Traffic Ticket Management Division ng MMDA, mayroong 11,027 na lumabag sa Bus/Public Utility Jeepney Ordinance o MMDA Reg. 18-007, Serye ng 2018 mula Enero hanggang Oktubre 24.

Ang pinakamaraming paglabag ay naitala noong Hunyo at Hulyo na may 1,916 at 4,395 traffic ticket na inisyu ayon sa pagkakabanggit. Santi Celario

Previous article2 Pinoy kumpirmadong bihag ng Hamas
Next articleBumbero arestado sa “slot for officership” sa BFP