Home NATIONWIDE Gas exploration sa Reed Bank, simulan na – Carpio

Gas exploration sa Reed Bank, simulan na – Carpio

MANILA, Philippines – Hinimok ni Retired Supreme Court Justice Antonio Carpio ang pamahalaan na simulan na ang gas exploration sa Reed Bank sa West Philippine Sea.

Posible kasi aniya ang malaking epekto nito sa ekonomiya ng bansa.

“So the most important thing before the end of the year dapat mag-survey na tayo sa Reed Bank. Kasi yan talaga, pag hindi tayo na-survey, it takes 4 years to develop at the minimum, 4 years to develop the gas field,” pagbabahagi ni Carpio sa The Mangahas Interviews.

Ito ay kasabay ng babala niya na posibleng kailanganin ng Pilipinas ng panibagong pagkukunan ng gas.

“‘Pag nawala ang Malampaya, mga 12-14 hours daily brownout tayo sa Luzon. Devastating yan sa economy natin. So yan ang pinakamalaking problema natin kasi pag walang energy, hinto lahat. Magsasara ang mga factory, opisina, cannot maintain regular hours lasi walang power, wala kang zoom. So I think critical ito,” paliwanag ni Carpio.

“We have to connect the pipeline from Reed Bank to Malampaya para we can use the existing pipeline to Batangas. So it will take a minimum of 4 years. So talagang tatamaan tayo. So that should be a priority.”

Sa kabila nito, tumatanggap ng kabi-kabilang pagsubok ang gas exploration sa Reed Bank partikular na sa China na agresibo sa territorial claim nito sa lugar.

Matatandaan na noong Hulyo ay namataan ng Armed Forces of the Philippines ang dagsa ng mga barko ng China sa nasabing lugar.

Samantala, sinabi ni Carpio na napapanahon na para sa Pilipinas na makipagtulungan sa mga ka-alyado nito upang isulong ang gas exploration sa Reed Bank.

“Ang solution diyan, we have to have a joint patrol… Kailangan kasama ang navy natin together with the joint patrol with the US. Ganyan ang solusyon ng Malaysia e,” ani Carpio.

“Sabi ng China hindi pwede kasi that’s within the 9-line. Tinuloy ng Malaysia. Pinadala nila ang kanilang survey and drilling ship together with the Navy. At the same time ‘yung US at saka Australian warships nag-conduct nga naval drills in the same area,” pagpapatuloy niya.

“Walang magawa ang Chinese Coast Guard, so natapos ng Malaysia.”

Iginiit naman ni Carpio na dapat pa ring palakasin ng bansa ang defense capabilities nito upang maipagtanggol sa panggigipit ng China sa territorial waters ng Pilipinas.

“Dapat we have credible self-defense… Kasi there may be a day in the future, we don’t know, I hope it will not happen, the US will say pagod na kami dito or bahala ng China dito,” ani Carpio. RNT/JGC

Previous articleKaso ng leptospirosis sa QC lumobo ng 108%
Next articleQC may alok na libreng sakay sa transport strike