MANILA, Philippinwa – Kinumpirma ng Commission on Appointments (CA) nitong Miyerkoles ang ad interim appointment ni Gilberto Teodoro Jr. bilang kalihim ng Department of National Defense (DND).
Ito ay matapos iendorso ng CA committee on national defense ang kanyang appointment.
Tanging si Senator Risa Hontiveros lamang ang nagtanong kay Teodoro sa pagdinig.
Ipinahayag ni CA Majority Leader at Camarines Sur Representative Luis Raymund Villafuerte na hindi magtatanong ang contingent mula sa House of Representatives tungkol sa appointment ni Teodoro dahil nakatrabaho nila ang Cabinet official noong siya ay kongresista ng Tarlac.
Noong Hunyo, pinangalanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Teodoro bilang bagong DND secretary.
Si Teodoro ay unang hinirang na kalihim ng depensa sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Siya ang pinakabatang humawak ng posisyon, sa edad na 43.
Noong 2010, tumakbo siya bilang pangulo ngunit natalo ng yumaong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Sinubukan ni Teodoro na manalo sa isang puwesto sa Senado sa Eleksyon 2022 ngunit hindi ito nagtagumpay.
Nanguna siya sa Bar exams noong 1989 matapos niyang magtapos sa tuktok ng kanyang klase sa University of the Philippines College of Law. Mayroon siyang bachelor’s degree sa commerce na may major in financial institutions mula sa De La Salle University.
Si Teodoro ay nakakuha ng master’s degree sa batas mula sa Harvard University. RNT