Home HOME BANNER STORY Giit ng CCG: BFAR vessel itinaboy sa Scarborough

Giit ng CCG: BFAR vessel itinaboy sa Scarborough

MANILA, Philippines- Sinabi ng China Coast Guard (CCG) na muli nitong itinaboy ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) mula sa Scarborough Shoal.

Sa pahayag sa kanilang website, inihayag ni CCG spokesperson Gan Yu na ang BFAR ship 3002 o BRP Datu Sanday ay hindi umano pinansin ang babala ng China at iginiit na “manghimasok” sa karagatan ng shoal noong Huwebes at Biyernes.

“Even though multiple warnings were ineffective, the CCG took necessary measures such as forcing the Philippine ship out of custody and controlling the route to drive it away in accordance with the law,” saad sa pahayag ng CCG.

“We urge the Philippines to immediately stop its infringement and reserve the right to take further control actions. China has indisputable sovereignty over Scarborough Shoal and its adjacent waters,” dagdag pa nito.

Ayon sa CCG, ang on-site operations ng China ay propesyonal at standardized, legal at rational.

Inakusahan ng CCG ang Pilipinas ng umano’y paglabag sa soberanya at internasyonal na batas ng China, gayundin sa mga pangunahing pamantayan ng relasyong pandaigdig.

Sa pahayag naman ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, sinabing ang patuloy na presensya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources vessel, BRP Datu Sanday, sa Bajo De Masinloc mula noong Pebrero 21, 2024 ay naaayon sa mga pambansang batas at posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ayon kay Tarriela, ang layunin ng presensya ng mga ito ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino sa lugar at mapangalagaan sila mula sa harassment.

Bukod dito, ang BFAR ay namamahagi ng subsidiya sa gasolina sa Filipino Fishing Boats (FFBs) na naroroon sa lugar upang suportahan ang kanilang pangmatagalang aktibidad sa pangingisda.

Idinagdag ni Tarriela na ang Pilipinas ay may soberanya sa Bajo De Masinloc at sa territorial sea at karapatan at hurisdiksyon sa nakapalibot na tubig na nasa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone na sinusukat mula sa Philippine archipelagic baselines, alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang 2016 Arbitral Award.

Dagdag pa ng opisyal, aktibong sinisiguro ng sasakyang pandagat ng BFAR ang seguridad ng mga mangingisdang Pilipino sa lugar.

Ipinunto ni Tarriela na ilang miyembro ng press ang sakay ng BFAR vessel at ang kanilang mga ulat ay susuporta sa pahayag ng PCG.

Inihayag ito ng opisyal ang matapos sabihin ng Chinese state television na itinaboy ng CCG ang isang BFAR vessel na sinabi nitong ilegal na nanghimasok sa tubig na katabi ng Scarborough Shoal.

Sumang-ayon ang American maritime security analyst na si Ray Powell sa sinabi ni Tarriela na ang barko ng BFAR na BRP Datu Sanday ay nanatili sa Scarborough Shoal hanggang noong Huwebes ng gabi. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articlePBBM bibisita sa Australia
Next articleKelot utas sa ‘road mishap’