PAGKATAPOS ng Asian Games, sasabak ang Gilas Pilipinas sa isa pang continental tournament sa Fiba Asia Cup 2025 qualifiers kung saan nakatakda silang makipaglaban sa tatlong koponan kabilang ang New Zealand.
Nasa Group B ang Pilipinas kasama ang New Zealand, Chinese Taipei, at Hong Kong sa qualifiers na lalaruin sa tatlong windows sa Pebrero 2024, Nobyembre 2024, at Pebrero 2025 sa isang home-and-away na format.
Target ng Gilas na makatapos na nangunguna sa Group B pagkatapos ng anim na laro at makakasama ang kanilang mga katapat sa limang iba pang grupo sa direktang puwesto sa Fiba Asia Cup 2025.
Maglalaro ang anim na 3rd placers sa bawat grupo sa isang final qualifying tournament kung saan ang nangungunang apat na koponan ay kukuha ng puwesto sa Asia Cup.
Nais ng Gilas Pilipinas na lampasan ang kanilang performance noong 2022 kung saan nagtapos sila sa ika-siyam sa Jakarta sa torneo na napanalunan ng Australia.
Nakibahagi sa draw ceremony na ginanap noong Martes ng gabi sa Doha, Qatar ang dating manlalaro ng Gilas Pilipinas na si Gabe Norwood at ang kamakailang retiradong Iran legend na si Hamed Haddadi.
Ang mga pangkat na kwalipikado sa groupo A ay ang Australia, Thailand, Korea, at Indonesia habang swak sa Group C ang China, Guam, Japan, at Mongolia.
Nasa Group D naman ang Iraq, Jordan, Palestine, at Saudi Arabia, samantalang nasa Group E ang Iran, Kazakhstan, India, at Qatar.
Bubuo sa Group F ang Bahrain, Syria, Lebanon, at United Arab Emirates.JC