Home OPINION GISAHIN MGA ONLINE LENDING

GISAHIN MGA ONLINE LENDING

RAMDAM ni Senator Risa Hontiveros ang paghihirap ng mga Pilipino na kapag nagigipit ay sa online lending companies na pawang iligal at abusado lumalapit.

Kaya naman ang senadora ay naghain ng resolusyon sa Senado na humihimok sa kanyang mga kasama na imbestigahan ang iligal na gawain lalo na ang pamamahiya sa mga kliyente ng mga online lending firm.

Maliit lang na halaga ang nahiram ng nagigipit na kababayan natin pero ang interes na kanilang binabayaran ay napakalaki bukod pa na kapag hindi sila nakabayad ay nakararanas ng panliligalig ng kompanya at mga bastos na salita.

May pagkakataon, anang mambabatas, na isang lending company na umano’y nagpadala ng funeral hearse (karo sa tagalog) sa tirahan ng isa sa mga umutang na may overdue loan, kasama ang banta: “Walang nakukulong sa utang, pero may namamatay.”

Iginiit pa ni Hontiveros na sandamakmak na mensahe at tawag sa mga listahan ng contact kung saan nagbibigay ang mga ito ng maling impormasyon, kahihiyan at paninirang-puri.

Talaga namang nakaeenganyo ang mga ‘offer’ sa kanilang advertisement ng online lending companies na nagsasabing napakaliit lang ng kanilang interes sa araw-araw.

Pero kapag nakautang, hindi na maiiwasang pumalya sa pagbabayad dahil sa minsang hindi maiiwasang dahilan o pangyayari at doon na nga nakararanas ang nanghiram ng salapi ng mga pangha-harass ng nagpautang na kompanya.

Ayon kay Hontiveros, umaabot ng 15 porsyento bawat buwan ang interes na ipinapatong ng mga kompanyang ito na karamihan at hindi pa nga nakarehistro at walang mga kaukulang permit o papeles lalo na sa Securities and Exchange Commission.

Binanggit ni Hontiveros ang mga ulat mula sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group  na ang karaniwang mga may kagagawan ng kawalang-hiyaan sa ating mga nagigipit na kababayan ay foreign-based entities.

Dagdag pa ng senadora na ang karamihan sa mga nagpapahiram ay buhat sa Mainland China kung saan ang mga ito ay gumagamit ng mga listahan ng contact sa telepono ng kanilang mga borrower ligaligin o i-harass ang kanilang mga kasamahan, pamilya, at mga kaibigan.

Nagtataka lang si Hontiveros na sa kabila ng SIM Registration Act (R.A. No. 11934) at ang pagsisikap ng PNP-ACG, National Privacy Commission (NPC), at SEC na i-regulate ang pagsasagawa ng mga online lending company, patuloy na lumalaganap ang iligal at hindi patas na mga gawi sa pangongolekta ng utang.

“Ang mga mapang-abuso at iligal na mga gawi sa pangongolekta ng utang ay dapat imbestigahan, at nararapat na maisabatas ang mga naaangkop na hakbang upang matugunan ito,” katwiran ni Hontiveros.

Previous articlePCG MAMAMAHALA SA OPERASYON NG  PASIG RIVER, PAGTANGKILIK HINILING SA PUBLIKO
Next articleDSWD GIVES P272-M AID TO FAMILIES IN EASTERN VISAYAS