Home OPINION GLOBAL WARMING MAY EPEKTO SA PAGBUBUNTIS

GLOBAL WARMING MAY EPEKTO SA PAGBUBUNTIS

NAPAG-ALAMAN na sa mga dating pag-aaral na may epekto ang lubhang umiinit na panahon sa pagtaas ng mga sinusumpong ng asthma, nagkakaroon ng sakit sa puso, at iba pang mga karamdaman. Sa pinakabagong pagsasaliksik, napag-alaman na ang tumataas na temperatura ng daigdig ay maaaring maglagay sa pa­nganib sa mga nagdadalang-taong mga kababaehan lalong-lalo na sa mga nasa kagampanan ng kanilang pagbubuntis.
Ayon kay Dr. Angi Jiao ng University of California, Irvine, inaasahan na mas lalo pang pag-grabe ng sitwasyon para sa mga buntis habang tumitindi ang epekto ng climate change.
Mayroong 21 na seryosong kondisyon ang mga nagdadalang-tao kabilang dito ang atake sa puso, pagkasira ng bato, anesthesia complications, impeksyon sa dugo, hysterectomy o pag-aalis ng uterus, at iba pang karamdaman at komplikasyon.
Sa pag-aaral ni Dr. Jiao na inilathala nito lamang September 7, 2023 sa Jama Network Open, napag-alaman na ang madalas na pagkababad sa init ay maaaring magdulot ng seryosong komplikasyon sa mga buntis at nakatakda pa lamang magdalang-tao. Ang matinding init ay magdudulot ng “dehydration” at “imbalance of minerals in the blood” na nagdudulot ng inflammation, pagtaas ng heart rate at iba pang sintomas.
Lumabas sa pag-aaral na 27% ng mga babaeng madalas ang exposure sa extreme heat ay nagkakaroon ng severe pregnancy-related illness, habang 28% naman ng mga babaeng malapit ng ma­nganak ay may mataas na risk para sa ilang karamdaman.
Ang pag-aaral ni Dr. Jiao ay nag-obserba sa 403,000 na buntis sa southern California mula taong 2008 hanggang 2018, at sa bi­lang na ito nasa 3,446 ang naitalang may severe pregnancy-related illness.
Ipinapayo ng mga eksperto sa mga buntis ang pag-iwas sa paglabas sa mga tahanan sa mga oras na matindi ang heat wave na kadalasang nagaganap mula 10:00 ng umaga hanggang ika-3:00 ng hapon, pero kung aabutan ng matinding init ay palipasin muna ito, at magkubli sa malilim na lugar.
Makatutulong din ang pag-inom ng maraming tubig. Kung kaya ng budget, maglagay ng aircondition sa bahay na maaaring buksan sa oras na matindi ang nararanasang init sa labas.
Kung makararanas ng matinding heat exhaustion ay kaagad na tumakbo sa pinakamalapit na ospital o pagamutan para maagapan ang mga komplikasyon.

Previous articleLTFRB chief Guadiz sinuspinde ni PBBM sa ‘permit, ruta for sale’
Next articleBODY CAMS PARA SA AIRPORT INSPECTORS