Home NATIONWIDE Gobernador ng Cagayan pinatawan ng indirect contempt

Gobernador ng Cagayan pinatawan ng indirect contempt

MANILA, Philippines – Pinagmumulta ng Korte Suprema si Cagayan Governor Manuel Mamba at ang law firm na kumakatawan sa kanya dahil sa pag-atras abante sa inihaing petisyon.

Ayon sa Kataastaasang Hukuman, guilty sa indirect contempt ang gobernador at ang Macalintal Law Firm ni Atty Romulo Macalintal kaya inatasan na magbayad ang mga ito ng ₱30,000.

Magugunita na makalipas ang isang linggo mula nang maghain ng petition para sa pagpapalabas ng TRO at writ of preliminary injuction ay binawi ito ng kampo ni Mamba at kanyang mga abogado nang walang paliwanag.

Base sa records ng hukuman, Agosto 19, 2023 nang hainan ng contempt and detention order ng PNP ang gobernador mula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil sa pagtangging humarap sa pagdinig sa alegasyon ng bilihan ng boto noong 2022 elections.

Agosto 22 naman isinumite ni Mamba ang petisyon na agad tinugunan ng Supreme Court En Banc noong Agosto 24 sa pamamagitan nang pagpapalabas ng TRO at mapigilan ang pagpapatupad ng utos ng Kamara.

Gayunman, bago pa makumpleto ng hukuman ang pagsisilbi ng kopya ng utos sa mga partido mula sa Kamara ay naiulat na sumuko si Mamba sa mga kongresista at noong Agosto 29 ay naghain na ito sa Supreme Court ng manifestation at mosyon para bawiin ang kanyang petisyon.

Kasunod nito, inatasan ng Korte Suprema si Mamba at ang Macalintal Law Office na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat ma-contempt at mapatawan ng parusa.

Bagamat naghain na ng sagot si Mamba at ang kanyang mga abogado ng tugon noong Setyembre 27, hindi nakuntento rito ang Supreme Court.

Samantala, tumanggi muna ang Macalintal Law Office sa pamamagitan ni Atty Romulo Macalintal na magkomento sa desisyon ng Korte Suprema. Teresa Tavares

Previous articleDragon tattoo ng pugot na bangkay sa Carmona ginagamit ng sindikato sa Tsina – PAOCC
Next articleFilipino seafarers, pwede nang tumanggi na dumaan sa Gulf of Aden – DMW