Home NATIONWIDE Gobyerno may balanse pang P14.88-B emergency allowance

Gobyerno may balanse pang P14.88-B emergency allowance

MANILA, Philippines – Naglabas ng ₱30.1 bilyon ang Department of Budget and Management (DBM) para sa health emergency allowance sa COVID-19 healthcare workers at non-healthcare workers noong 2023, na nag-iwan ng hindi nabayarang balanse na ₱14.88 bilyon.

Sa isang pahayag, sinabi ng DBM tungkol sa ₱88.14 bilyong budget para sa COVID-19 health emergency allowance, ₱24.19 bilyon ang ginastos noong 2022, P30.1 bilyon ang inilabas noong 2023, habang ₱18.96 bilyon ang handa na para sa pamamahagi mula noong Jan. 1, 2024.

\”We will endeavor to release the balance, as well as the unfunded HEA (health emergency allowance) claims of roughly P14 billion to fulfill the commitment of President Bongbong Marcos in his SONA,” sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman.

Ang grupong Alliance of Health Workers ay matagal nang nanawagan sa hindi pa naipapamahagi na allowance para sa COVID-19 healthcare workers at non-healthcare workers.

Nauna na ring sinabi ng Department of Health (DOH) na ang natitirang health emergency allowance ay unti-unting ilalabas sa loob ng tatlong taon o pagsapit ng 2026, dahil humigit-kumulang 2 milyong healthcare workers ang hindi pa nakakatanggap ng kanilang emergency allowance.

Sa ilalim ng Public Health Emergency Benefits and Allowance for Health Care Workers Act of 2022, ang mga healthcare at non-healthcare worker ay may karapatan sa mga benepisyong nagkakahalaga ng ₱3,000 hanggang ₱9,000 para sa bawat buwan ng serbisyo habang ang bansa ay nasa ilalim ng state of public health emergency dahil sa COVID 19.

Hulyo 2023 nang alisin ang public health emergency. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleOFW lounge sa NAIA binuksan 24/7
Next article‘Close collaboration’ target ni PBBM kay Taiwan pres-elect Lai Ching-te