
ANDITO na naman ang isa pang super bagyo makaraang umalis si super bagyong Egay.
Pinangalan itong Goring ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration at nanalasa na sa Cagayan Valley Region sa ilalim ng signal number 3 nito.
Pero apektado na ang halos buong Luzon mula sa Aurora pa-norte, kasama ang Cordillera Region at Ilocos Region.
Ayon sa PAGASA, may lakas na hanging 260 kilometro kada oras ang mata ni Goring habang may bugso na 230km/r at sustained wind na nasa 180km/h at kakambal nito ang malalakas na ulan.
Kaya naman, nagbababala ang PAGASA ng pagdating ng mga baha, landslide, malalakas na alon sa karagatan at iba pa na maaaring ikasira ng mga buhay at ari-arian.
Magtatagal umano ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility hanggang Huwebes.
Ang magandang balita, makaraan ang ilang araw, lalayo na pakanan sa dulo ng Pilipinas si Goring.
SANA ALL MALILIGTAS
Nagkaroon tayo ng mga nasawi nang dumating si Egay sa kalagitnaan ng Hulyo 27.
Pero sana all ang kaligtasan sa kamatayan bagama’t hindi maiiwasan ang masisirang mga ari-arian ng mga mamamayan at pamahalaan.
Gayunman, kung may masasasawi, mga Bro, magtulong-tulong na lang ang lahat para sa maayos na paglilibing at para sa mga masasawian o mauulilang pamilya.
Lahat, gaya ng nakagawian na natin, ay sumali sa mga bayanihan at ipakita natin ang labis na pagmamalasakit sa isa’t isa.
Ang mahigpit na pagtutulungan ng mga mamamayan at pamahalaan mula sa barangay hanggang nasyunal na pamahalaan ang dapat na pairalin.
Para sa mga buhay, lalo na ang mga magsasaka at mangingisda, malungkot ang pagdating ni Goring dahil ipagpapatuloy nito ang kasiraan sa mga taniman, hayupan at pangisdaan na pangunahing ikinabubuhay nila mulay ka Egay..
Pero siyempre, apektado rin ang mga nagbibiyahe at nagtitinda ng mga produktong agrikultural na galing sa pagpapawis, pagsasakripisyo at pakikipagsapalaran ng mga magsasaka at mangingisda.
MAY MGA GORING AT EGAY PANG DARATING
Hanggang sa Kapaskuhan, maaaring may darating pang mga Goring at Egay mula sa mahigit 10 pang bagyong natitira kaya naman dapat laging handa ang lahat.
Isipin na rin natin na hindi naman lahat ay napipinsala at sa katunayan, may mga lugar sa bansa na paborable ang mga bagyo at ulan.
Para sa mga hindi tinatamaan gaano, umaasa sila ng magandang ani sa palay, gulay at isda na kinukonsumo ng lahat at maaaring makapagdulot pa nga ng pagmumura ng presyo ng bigas, gulay at isda.
Ang Mega Manila na may 17-18 milyong mamamayan, makaaasa naman ng sapat na suplay ng tubig sa mga dam na sasalo sa mga ulan.
Kaugnay ng mga ito, paano kaya ipagdasal na magkaroon o hindi magkaroon ng mga bagyo?