Home NATIONWIDE Gov’t agencies, kinastigo ni Poe sa patuloy na text scam kahit may...

Gov’t agencies, kinastigo ni Poe sa patuloy na text scam kahit may SIM Registration Law

878
0

MANILA, Philippines – Matinding kinastigo ni Senador Grace Poe ang ilang ahensiya ng pamahalaan na nagpapatupad ng SIM Registration Law dahil patuloy ang kumakalat na text scammer gamit ang cellphone.

Sa pahayag, sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services, na dapat mas lawakan ang implementasyon ng SIM Registration Law upang masugpo ang pagkakalat ng scammer.

Inihayag ito ni Poe matapos ang pagdinig ng komite hinggil sa spam messages na natatanggap ng subscriber o mobile user sa kabila ng mahigpit na ipinagbawal ito ng batas.

Binanggit ni Poe ang nakaraang paglusob ng awtoridad sa sinasabing cyberscam hubs na nakakumpiska ng pre-registered SIMs na may e-wallets na ginagamit sa illegal transfers ng pera.

“Gumawa tayo ng batas pero mukhang nagkukulang sa implementasyon,” ayon kay Poe hinggil sa batas na kanyang inawtor at inisponsor sa Senado.

Kinuwestiyon ni Poe ang government regulators na kinabibilangan ng National Telecommunications Commission, Department of Information and Communications Technology, Police Anti-Cybercrime Group, at National Bureau of Investigation – hinggil sa pagkilos upang masugpo ang scammers.

“Kung malikhain ang mga manloloko, dapat mas maging malikhain tayo,” ayon kay Poe.

“While we do not discount the warnings and notices sent by the agencies and telecommunications companies (telcos) to the public, we must go above and beyond if we are to combat this plague in our telecom system,” dagdag ni Poe.

Mahigit 114 milyong SIM cards ang naiparehistro sa loob ng pitong-buwang registration period na nagtapos noong Hulyo 25.

Ayon kay Poe na pagkatapos ng panahon ng rehistrasyon, dapat deactivated na ang SIM kaya madaling matunton ang gumagamit ng rehistradong SIM sa illegal na gawain at dapat i-block.

“Karamihan ng mga SIMs na ito ay hindi pa bukas pero pre-registered na. Hindi maipaliwanag ng mga telcos kung paano nangyari ito. Hindi kaya inside job? Paano at saan sila nakakuha ng ganitong karaming SIM? Mayroon bang black market ng pre-registered SIMs?” ayon kay Poe.

Sa ilalim ng Republic Act 11934, obligado ang telcos na gumawa ng user-friendly reporting mechanisms laban sa fraudulent calls at texts.

“Many others do not want to go through the hassle of reporting. Hingan ka ba naman ng dalawang valid ID bago makapag-report sa NTC at telcos. Maraming Pilipino ang wala pa ring ID, dalawa pa kaya? Bakit mas pahirapan ang pag-report habang mukhang mas madaling mag-register ng SIM?” ani Poe.

“With tracing comes prosecution,” ani Poe saka idinagdag na may matibay na probisyon ang batas na nagtatakda ng parusa sa lumalabag mula sa breach of confidentiality hanggang submission of fictitious information sa registration.

“Walang maloloko kung walang manloloko na nakakapag-rehistro. Tulungan dapat ang gobyerno at telcos na matugunan ang krisis na ito,” ayon kay Poe. Ernie Reyes

Previous articleMisha Fabian, pasok na sa Artist Circle!
Next articleInflation inaasahang babagal sa mga susunod na buwan – BSP

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here