
MANILA, Philippines – IBINAHAGI ng Civil Service Commission (CSC) sa publiko partikular na sa mga nagnanais na mapabilang sa “civil service” na maaari na ngayong malaman ang mga trabaho ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbisita sa CSC Job Portal na www.csc.gov.ph/career.
Ayon kay CSC Chairperson Karlo Nograles, ang CSC Job Portal ay magbibigay sa mga interesado at kwalipikadong mamamayang Pilipino ng mga mahahalagang detalye tungkol sa mga bakanteng trabaho na inaalok ng mga ahensya ng national government, local government units, at state universities and colleges.
“Taun-taon, libo-libong aplikante ang natatanggap sa pampublikong sektor dahil sa mga job vacancies na naka-post sa CSC Job Portal. Ngayong taon, inaanyayahan naming muli ang mga bagong graduate sa kolehiyo at first time jobseekers, pati na rin ang mga nakapasa sa nakalipas na Career Service Exams, at ang mga gustong lumipat ng trabaho na bisitahin ang portal,” ani Chairperson Nograles.
Maaaring ma-access ng mga interesadong aplikante ang CSC Job Portal at gumamit ng mga filter tulad ng position title, pangalan ng ahensya, at rehiyon upang paliitin ang mga available na bakante. Ang mga resulta ng paghahanap ay magpapakita ng mahahalagang impormasyon para sa bawat posisyon, kabilang ang titulo ng posisyon kasama ang lugar ng pagtatalaga, numero ng item ng plantilla, deadline ng aplikasyon, grado sa suweldo/trabaho, at mga pamantayan sa kwalipikasyon para sa posisyon.