MANILA, Philippines – Aabot sa 89% ng mga Filipino ang sumasang-ayon na dapat suportahan ng pamahalaan ang manufacturing sector upang mas lumago pa ang ekonomiya.
Ito ang resulta ng Pulse Asia survey na inilabas nitong Martes, Mayo 16, na kinomisyon ng Stratbase ADR Institute, sa March 2023 ay lumabas na tanging 1% ang hindi sumang-ayon, 2% ang sinabing wala silang sapat na kaalaman at 8% ang nagsabing hindi nila alam kung sila ba ay sasang-ayon o kokontra.
Mas sumang-ayon ang nasa lower classes D at E sa mahigit 90% at 89%, kumpara sa higher class ABC na tanging 84%.
Nasa 62% ng mga Filipino ang sumang-ayon na ang manufacturing activities ay nakatutulong sa paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng paglikha ng mga trabaho para sa local service businesses.
Sang-ayon din ang kaparehong dami ng mga Filipino sa paniniwalang ang manufacturing sector ay nakapag-aambag sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng paglikha ng mga produktong mura at accessible sa mga consumer.
Samantala, 61% naman ng mga Filipino ang nagsabing dapat magbigay ng training ang pamahalaan sa mga manggagawa.
Lumabas din sa survey na 50% ng mga Filipino ang naniniwalang dapat magbigay ng insentibo ang pamahalaan upang mapabuti ang industriya, katulad ng ibinibigay sa ibang bansa.
Ang resulta ng survey ay iprinisenta ni
Pulse Asia president Ronald Holmes kasabay ng webinar na inorganisa ng Stratbase ADR Institute.
Sakop ng survey ang 1,200 respondents mula Marso 15 hanggang Marso 19. RNT/JGC