Home METRO Grade 11 student, patay sa poste ng soccer goal

Grade 11 student, patay sa poste ng soccer goal

LAOAG- MAAGANG binawian ng buhay ang isang grade 11 student nang aksidenteng mabagsakan ng poste ng soccer goal sa oval ground ng Northwestern University noong Biyernes, Marso 22.

Hindi muna pinangalanan ng pulisya ang 16-anyos na biktima na nag-aaral sa Caloocan High School sa lungsod at residente ng Barangay 60-A, Caaoacan.

Sa paunang report ng Laoag-PNP, nagpa-praktis ang biktima kasama ang iba pang mga atleta at kanilang coach na si Walter Corpuz Valdez, 46, bilang paghahanda sa darating na Region 1 Athletic Association Meet.

Habang tumatakbo ang mga atleta kasama ang biktima sa oval field ay bigla na lamang sumabit ang isang atleta sa goal post.

Dahil dito, bumagsak ang poste at nagkataon ang pagdaan ng biktima kaya nabagsakan ito at tumama sa ulo.

Agad naman dinala sa ospital ang biktima para lapatan ng lunas subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente. Mary Anne Sapico

Previous articleDOH nagluluksa sa pagpanaw ni Dok Gia
Next articleMga Pinoy nakiisa sa Earth Hour 2024