MANILA, Philippines – SWAK sa selda ang isang grade 11 student matapos madakip ng mga pulis makaraan magsagawa ng buy-bust operation ang mga awtoridad sa Valenzuela City.
Nakapiit sa detention cell ng Valenzuela City Police ang suspek na kinilalang si Humpbrey De Vera y Matibag, High Value Individual (HVI), grade 11 student, 20, residente ng Santolan Road, Gen T De Leon ng nasabing lungsod.
Base sa imbestigasyon ng Valenzuela City Police, dakong alas-2:10 ng madaling araw ng magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela City Police sa pangunguna ni P/Capt. Joel Madregalejo laban sa suspek sa Santolan Service Road, Gen T De Leon.
Ayon sa ulat ng pulisya, isang undercover na pulis ang nagpanggap ng buyer ng iligal na droga at nagawang makipagtransaksyon sa suspek at nang ibigay na ng suspek ang binili na droga ng undercover na pulis agad itong inaresto ng ibang pulis na nakapaligid sa nasabing lugar.
Narekober sa suspek ang tatlong self sealing transparent plastic na naglalaman ng dried marijuana leaves, tatlong transparent plastic wrap bricks na naglalaman ng dried marijuana leaves na umabot sa P78,800 ang halaga, buy-bust money, P150 pesos, itim na sling bag at Vivo android phone.
Mahaharap ang suspek sa kasong Violation of Section 5, Sale, Trading, Administration, Dispensation, Delivery, Distribution and Transportation of Dangerous Drugs and/or Controlled Precursors and Essential Chemicals at Section 11 Possession of Dangerous Drugs under Article II of RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. R.A Marquez