Groom na naka-wheelchair, pumanaw na

Groom na naka-wheelchair, pumanaw na

June 30, 2020 @ 7:36 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  
Share

Manila, Philippines – Tuluyan nang namaalam kahapon ng tanghali ang maysakit at naka-wheelchair na groom na ikinasal nitong Linggo, Hunyo 28, 2020 at nangakong “till death do us part” ang kanyang pag-ibig sa kanyang bride, sa Sta. Maria, Bulacan.

Nabatid na pagkalunok ng isang patak ng tubig mula sa basong bigay ng kanyang maybahay na si Chrislove, 2, at ama niyang si Paul, nalagutan na ng hininga si Christopher Concepcion, 20-anyos, sa bisig ng kanyang minamahal.

Naganap ang kamatayan ni Christopher, 24 oras matapos ang kasal nila ni Chrislove sa Holy Family Parish Church sa Catmon, Sta. Maria, Bulacan at sa basbas ni Fr. Mar Lucas.

PAPA SLEEP!!! Ito lang ang mga katagang pautal na namutawi sa bibig ng paslit pang panganay na anak ni Christopher pagdating ng kanyang bangkay sa kanilang tahanan.

Naiwan niya ang dalawa niyang anak na sina Airish Ash Concepcion, 2, at apat na buwang sanggol na si John Clyde.

Nagkasakit si Christopher makaraan siyang operahan sa appendicitis at huli na nang madiskubre ang kanyang bituka na nabubulok at nagkabuhol-buhol na naging dahilan ng pagkakaospital nito sa Bulacan Provincial Hospital, Malolos, Bulacan.

READ: Naka-wheelchair na nobyo sa nobya: ‘Till death do us part

Pinutol ang kanyang bituka at pinagdugtong na lang ng mga doktor ang natitira rito subalit hindi na nito nabawi ang kanyang dating lakas at kalusugan.

Tila nagpapahiwatig kay Christopher na hindi na mapigilan ang maagang pagtatapos ng kanyang buhay kaya naman mariin nitong hiniling sa kanyang ama na makasal na sila ni Chrislove na kasa-kasama at katuwang na nito sa nakalipas na limang taon.

Hindi nag-atubili ang kanyang ama na ibigay ang kahilingan nito at madaliang ginanap ang kasalan.

Pinagsuot ang mga ninang sa kasal ng mga gown na pawang gawa ni Paul bilang fashion designer ng ilang sheika o prinsesa sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia at Qatar.

Kabilang sa mga naging suki ni Paul ang mga sheika ng angkang Al Saud sa Riyadh at Alqatani sa Qatar.

Nangako ang ama ng namatay na mula sa kanyang kita bilang fashion designer ay mapagtapos ng pag-aaral ang first year college na si Chrislove at maalagaang mabuti sa kanilang paglaki ang mga supling ng mag-asawa.

Napag-alaman na bago binawian ng buhay si Christopher, hiniling pa niya sa kanyang ama na mailibot siya sa kabayanan ng Sta. Maria na pinagbigyan naman ng huli. Lydia Bueno/Fred Cabalbag

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Loading...